Home METRO P1.3M shabu nasamsam, 2 suspek arestado

P1.3M shabu nasamsam, 2 suspek arestado

CEBU CITY-UMABOT sa P1.3 milyon halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska ng mga awtoridad sa dalawang nadakip na suspek sa magkasunod na drug enforcement operations na isinagawa sa lungsod na ito.

Sa report ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) Pasil Police Station, bandang 10:00 PM nitong Miyerkules, Pebrero 26 unang nadakip ang 38-anyos na suspek sa kahabaan ng Magsaysay Stree, Barangay Suba, ng nasabing bayan.

Nakuha sa suspek ang 150.18 gramo ng pinaniniwalaan shabu na tinatayang aabot sa halagang P1,021,224, at mga drug paraphernalia.

Pagsapit ng 1:05 ng madaling-araw ng Huwebes, nahuli ang alyas Jac, 20, isang high-value individual (HVI), sa Sitio Lower Laguerta, Barangay Lahug, Mabolo.

Narekober kay Jac ang 50.3 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P342,040.

May kabuuan P1,363,264 halaga ng shabu ang nakumpiska ng mga awtoridad sa mga suspek na ngayon ay nakakulong sa lock-up cell ng police station at nahaharap sa kasong paglabag sa illegal drugs. Mary Anne Sapico