Home NATIONWIDE Case-fixing scheme kinondena ng NAPOLCOM

Case-fixing scheme kinondena ng NAPOLCOM

MANILA, Philippines – Kinondena ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang umano’y case-fixing scheme na kinasasangkutan ng isa sa mga empleyado nito na nahuli sa isang entrapment operation sa Camp Crame, Quezon City noong Pebrero 25, 2025.

Nahuling tumanggap ng P20,000 ang naarestong empleyado mula sa na-dismiss na Police Major kapalit ng pabor sa resolusyon sa harap ng Police Major.

Dahil sa seryosong paglabag na ito sa tiwala ng publiko, ang NAPOLCOM ay naglunsad ng agarang imbestigasyon upang matukoy ang lawak ng umano’y iskema sa pag-aayos ng kaso, kung saan ang ilang mga tauhan ng pulisya na may mga nakabinbing kasong administratibo sa NAPOLCOM ay hinihilingan umano para sa monetary compensation bilang kapalit ng mga paborableng desisyon.

Kaugnay nito, pinagtitibay ng NAPOLCOM ang walang kompromisong patakaran nito laban sa katiwalian at iginiit na sinumang empleyadong mapatunayang nagkasala sa paggawa ng mga naturang ilegal na aktibidad ay haharap sa buong puwersa ng batas.

Bilang tugon sa insidenteng ito, ang NAPOLCOM ay magpapatupad ng mas mahigpit na mga hakbang at magpapatibay ng mga umiiral na pananggalang upang maiwasan ang mga katulad na pangyayari sa hinaharap upang matiyak na ang mga proseso nito ay mananatiling walang kinikilingan at walang bahid ng anumang uri ng katiwalian.

Samantala, tinitiyak ng NAPOLCOM sa publiko na hindi nito pabayaan sa pagtugon sa isyung ito at muling pinagtitibay ang hindi natitinag na pangako nito sa integridad, propesyonalismo, at kahusayan sa serbisyo sa pagtupad sa mandato nito.

Kaya naman hinihimok ang publiko na iulat ang anumang mga iregularidad o katiwalian sa mga naaangkop na awtoridad bilang bahagi ng sama-samang pagsisikap na itaguyod ang hustisya at mapanatili ang kredibilidad ng NAPOLCOM bilang mandato na oversight body ng Philippine National Police (PNP). Santi Celario