Home NATIONWIDE Palagiang pagrepaso sa price policy, iminungkahi ng solon

Palagiang pagrepaso sa price policy, iminungkahi ng solon

MANILA, Philippines – Isinulong ni Quezon Rep. Wilfrido Enverga ang palagiang pagrerepaso sa polisiya ng presyo ng bilihin upang matiyak na mananatili itong epektibo at malayo sa kartel.

“Kung hindi natin sisilipin taun-taon ang epekto ng mga polisiya natin sa presyo ng pagkain, baka hindi natin namamalayan na mas lalo nating sinusuportahan ang mga abusadong negosyante imbes na ang mamimili,” babala pa ng mambabatas.

Kasabay nito ay ipinahayag ng mambabatas na ang Murang Pagkain Supercommittee ay nananatiling naka-focus na matiyak na ang mg amagsasakang Pilipino ay hindi mapagiiwanan sa isyu ng price stabilization efforts.

Ani Enverga na ang pagkilos upang mapababa ang presyo ng bigas ay hindi lamang panandaliang aksyon kungdi ito ay dapat tuluy-tuloy upang matiyak ang seguridad ng pagkain sa bansa.

“Hindi ito puwedeng ningas-kugon lang. Dapat sigurado tayo na ang mga hakbang na ginagawa natin ngayon ay pangmatagalan, hindi lang para sa eleksyon, kundi para sa kinabukasan ng bansa. Sa dulo ng lahat ng ito, dapat siguruhin natin na may pagkain sa mesa ang bawat pamilyang Pilipino. Hindi lang ito tungkol sa presyo, kundi tungkol sa karapatan nating lahat na magkaroon ng sapat, abot-kaya, at ligtas na pagkain,” ani Enverga.

Sa panig naman ni House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ay hinikayat nito ang mga kandidato ngayon eleksyon na unahin ang pagtulong upang mapababa ang presyo ng bigas lalo ngayong nakaungos na aniya ang gobyerno para sa positibo at sustainable efforts sa ikapagkakamit ng long-term solutions.

“Alam natin na ang bawat butil ng bigas ay mahalaga sa bawat pamilyang Pilipino. Nakikita natin ang mga positibong hakbang ng gobyerno, pero hindi pa tayo dapat makampante. Marami pa tayong kailangang gawin para matiyak na abot-kaya ang presyo ng bigas para sa lahat.”

Makabubuti pa rin aniya na ang mga mambabatas ay bumaba sa kanilang mga constituents upang makita ang tunay na kalagayan ng mga constituents.

“Hindi sapat ang mga numero at ulat lamang. Kailangan nating bumaba sa ating mga distrito, makipag-usap sa mga magsasaka, tindera, at mamimili. Dapat nating itanong: May bigas pa bang naisasaing ang ating mga kababayan? Paano natin mapapababa ang presyo nang hindi nalulugi ang ating mga magsasaka?” giit pa ni Romualdez. Meliza Maluntag