MANILA, Philippines – Sinabi ng Quezon City Police District (QCPD) na patuloy ang kampanya ng kapulisan laban sa iligal na droga makaraang madakip ang siyam na indibidwal at pagkakakumpiska ng P1,428,000 halaga ng shabu sa magkakasunod na buy-bust operation na isinagawa sa Quezon City.
Ayon sa QCPD sa limang operasyong isinagawa, isang makabuluhang accomplishments ang naisagawa ng Fairview Police Station 5 sa ilalim ni PLTCOL Richard Mepania at Batasan Police Station 6 sa ilalim ni PLTCOL Romil Avenido.
Batay sa ulat, inaresto ng PS 5 si Johnmark Kusain, 26 taong gulang, residente ng Brgy. Culiat, Quezon City, sina Niño Dael, 30 anyos at Lee Longay, 30 anyos, kapwa residente ng Brgy. Tandang Sora dakong alas-3:00 ng madaling araw ng Nobyembre 15, 2024, sa kahabaan ng Regalado Ave., cor. Bulova St., Brgy. Greater Fairview, QC.
Nakumpiska sa kanila ang may 100 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P680,000, isang dark blue na pouch, at ang buy-bust money.
Kaugnay nito ay dinakip din ng Police Station 6 si Mark Joshua Abuyen, 26 anyos, residente ng Brgy. Rosario, Pasig City at Roselle Lacsa, 23 taong gulang, residente ng Brgy. Pinagbuhatan, Pasig City dakong 5:55 ng hapon nitong November 14, 2024 sa kahabaan ng IBP Road, Brgy. Batasan Hills, QC.
Nakumpiska sa kanila ang may 100 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P680,000, isang Yamaha Aerox motorcycle, dalawang helmet, dalawang cellular phone, red pouch, violet coin purse, at ang buy-bust money.
Nakapiit ngayon ang mga suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Santi Celario