MANILA, Philippines – Iginiit ng Korte Suprema na walang bisa ang mga compromise agreements at settlements sa pagitan ng employer at mga empleyado na nag-aalok ng sobrang baba at hindi makatarungang bayad o halaga.
Sa isang Desisyon na isinulat ni Associate Justice Antonio T. Kho, Jr., pinawalang bisa ng Second Division ng Korte ang mga compromise agreement na isinagawa ng San Roque Metals, Inc. (SRMI) at Prudential Customs Brokerage Services, Inc. (PCBSI) sa isang grupo ng mga empleyado na iligal na natanggal sa trabaho.
Ayon sa settlement, ang mga nasabing empleyado ay tatanggap lamang ng 5.20% hanggang 23.42% ng kanilang backwages at separation pay mula sa hatol sa kasong illegal dismissal.
Sinabi ng Korte na ang mga settlement ay itinuturing ding mga quitclaim o legal na dokumento na pirmado ng mga empleyado para i-waive ang kanilang karapatan pabor sa kanilang employer.
Para magkabisa, ang isang quitclaim ay dapat na (1) napirmahan ng kusang loob ng empleyado; (2) walang pandaraya o panlilinlang sa bahagi ng mga partido; (3) ang halagang nakasaad sa quitclaim ay kapani-paniwala at makatwiran; and (4) hindi ito salungat sa batas, public order, public policy, moral o mabuting kaugalian.
Idinagdag pa ng Korte na walang fixed percentage na magdedetermina ng pagiging makatwiran ng settlement amounts. Sa halip ito ay sinusuri sa bawat kaso.
Sa kasong ito, ang halagang natanggap sa settlement ay higit na mababa kaysa sa back wages at separation pay na dapat bayaran sa mga empleyado at ito ay hindi makatwiran.
Inatasan ng Korte ang SRMI at PCBSI na bayaran ang mga empleyado ng halagang dapat pang ibayad sa kanila mula sa kaso ng illegal dismissal, pagkatapos ibawas ang anumang halagang nauna na nilang natanggap. Dagdag pa rito, ilalapat ang legal na interes na 6% bawat taon mula sa petsa ng Desisyon ng Korte hanggang sa mabuo ang kabayaran. TERESA TAVARES