Home NATIONWIDE Teodoro, may P800M pork barrel sa 2025 city budget

Teodoro, may P800M pork barrel sa 2025 city budget

MANILA, Philippines – Aabot nang halos P800 milyon ang pork barrel ni Marikina City Mayor Marcy Teodoro para sa susunod na taon.

Ito ang nabunyag base sa mga dokumentong napasakamay ng media.

Ang paggasta ng pork barrel at kung saan ito gagamitin ay nasa buong kontrol ng Office of the Mayor.

Ang pork barrel ni Teodoro ay isang malaking tipak sa kabuuang P3.4 bilyon na iminumungkahing pondo ng lungsod para sa 2025.

Kasalukuyan ang deliberasyon ukol sa 2025 Marikina City budget.

Base sa numero, lumilitaw rin na ang P800 milyong pork barrel ay mas malaki kahit pa pagsamahin ang mga pondo ng Health Department at Disaster Risk Reduction Management Office ng Marikina.

Ang Marikina ay walang sariling ospital at laging tinatamaan ng sakuna sa tuwing may kalamidad.

Sa P800 milyong pork barrel ni Teodoro, maaaring bukod pa rito ang P25 milyong confidential funds kagaya noong mga nakaraang taon.

Samantala, naglaan naman ang konseho ng lungsod ng P595 milyon bilang pambayad-utang o debt service. Ang Marikina ay may utang na halos P4 bilyon.

Sa ibang balita, matatandaan na umalma ang mga residente ng Marikina sa sinasabing pag-railroad at pasekretong pagpasa ng mga konsehal na kaalyado ni Teodoro sa pondo ng iba’t ibang departmento ng lokal na pamahalaan sa Committee on Finance and Appropriations noong nakaarang linggo.

Nasilip din na hindi kabilang sa mga tinalakay ang pondo ng opisina ni Teodoro at hanggang ngayon ay hindi pa rin nakikita ng mga oposisyong konsehal ang detalyadong budget proposal ng alkalde.

Ayon sa ilang ekspertong legal, maaaring nalabag dahil dito ang sections 314 at 318 ng Local Government Code at maaaring masampahan ng kaso sa Ombudsman ang sinumang may pagkakasala. Anila, dapat kompleto at opisyal ang pagsusumite ng isang lokal ng pamahalaan, gaya ng Marikina, ng budget proposal nito taon-taon.

Habang sinusulat ang ulat ay nakatakda nang pagdebatehan sa plenaryo ng konseho ng lungsod ang P3.4 bilyong 2025 Marikina City budget. Kasabay nito, nanawagan naman ang ilang grupo para sa transparency at mabuting pamamahala sa kanilang lungsod. RNT