COTABATO CITY- Umabot sa P1.6 milyong halaga na ismagel na sigarilyo ang nasamsam ng mga awtoridad matapos maharang ang isang minivan at dinakip ang driver, iniulat kahapon sa lungsod na ito.
Batay sa report ng Libungan Municipal Police Station, nagsagawa sila ng anti-criminality checkpoint noong Disyembre 3, 2024 kasama ang militar nang maharang ang minivan na minamaneho ng isang nagngangalang Danilo, taga Barangay Dagumbaan, Maramag, Bukidnon.
Sa pag-usisa ng mga awtoridad, nadiskubre ang mga pekeng sigarilyo na karga ni Danilo kabilang ang 813 reams ng Molton red cigarettes at 680 ream ng Molton white cigarettes na aabot sa halagang P1,603,482.
Hinanapan ng mga tauhan ng Regional Special Operation Group 12 ang suspek ng kaukulang dokumento para sa mga karga nito subalit bigong maipakita.
Agad namang dinala ang suspek sa himpilan ng pulisya at kinumpiska ang mga pekeng sigarilyo para sa tamang proseso at disposisyon.
Inaalam na rin ng mga awtoridad kung sino ang supplier ng naturang mga ilegal na puslit na sigarilyo. Mary Anne Sapico