MANILA, Philippines – Naglabas ang Philippine Ports Authority (PPA) ng isang administrative order na magpapasimula ng P1 terminal fee para sa mga Roll on-Roll Off (Ro-Ro) na sasakyang nagdadala ng raw at unprocessed agricultural products sa lahat ng pantalan na pinangangasiwaan ng PPA.
Sa kasalukuyan, ang Ro-Ro Terminal Fee (RRTF) ay nasa pagitan ng P65.00 hanggang P516.00 depende sa uri ng sasakyan, ngunit magiging P1 na lamang ito kapag ipinatupad ang bagong polisiya.
Ayon kay PPA General Manager Jay Daniel Santiago, layunin ng hakbang na ito na maibsan ang pasanin sa transportasyon at suplay ng pagkain tulad ng bigas, mais, prutas, gulay, isda, at buhay na hayop o manok.
Sa ilalim ng PPA Administrative Order No. 003-2026, kasama sa halos zero terminal fee ang light delivery trucks (Type 3 vehicles) tulad ng delivery trucks, vans, at pick-up trucks; pati na rin ang heavy delivery trucks (Type 4 vehicles).
Hindi naman saklaw ng order ang mga sasakyang nagdadala ng naprosesong produkto.
Dagdag pa ni Santiago, ang pagbaba ng RRTF ay magreresulta rin sa pagtitipid sa gasolina ng mga transport operator, na tinatayang makakabawas ng P5 kada litro ng gasolina para sa bawat 100 litro. Ang P1 terminal fee ay ipatutupad sa loob ng anim na buwan ngunit maaaring palawigin o baguhin depende sa presyo ng gasolina at epekto nito sa operasyon.
Inatasan ang lahat ng PPA Port Management Offices (PMOs) at mga terminal at cargo handling operator na tiyakin ang maayos na implementasyon.
Ang mga deklarasyon ng kargo at dokumento ng sasakyan ay susuriin, at maaaring magsagawa ng inspeksyon upang kumpirmahin ang pagiging kwalipikado.
Babala ng PPA, ang maling deklarasyon ay papatawan ng multa na doble ng regular na RRTF, kasama ang posibleng administratibo, sibil, o kriminal na kaso.
Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Z. Lopez, ang binababang RRTF ay naaayon sa mga patakaran ng gobyerno sa food security, price stabilization, at logistics efficiency habang sinisiguro ang tuloy-tuloy at abot-kayang inter-island distribution ng mahahalagang produktong agrikultural. Jocelyn Tabangcura-Domenden