MANILA, Philippines – Pinuri ng Department of Agriculture (DA) ang pag-apruba ng National Price Coordinating Council (NPCC) sa ₱50 kada kilo na price cap para sa imported rice, sa gitna ng epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa bansa.
Ayon kay DA spokesperson Assistant Secretary Arnel De Mesa sa Bagong Pilipinas Ngayon briefing, nagpapasalamat ang ahensya sa mabilis na aksyon ng NPCC batay sa kanilang rekomendasyon.
Naghihintay na lamang umano ang DA ng opisyal na kautusan para maipatupad ang price ceiling sa 5% broken imported rice sa mga pamilihan, lalo na sa ilalim ng state of energy emergency.
Dagdag niya, kasama rin sa ipalalabas na Executive Order ang mga parusa o aksyon laban sa mga lalabag sa price cap.
Tiniyak din ng DA na “feasible” o kaya ang naturang price ceiling batay sa gastos sa pag-angkat at transportasyon, ngunit maaari pa itong i-adjust depende sa sitwasyon ng global oil prices at hidwaan sa ibang bansa.
Batay sa DA Bantay Presyo noong Miyerkules, ang imported premium rice sa Metro Manila ay nasa ₱55 hanggang ₱63 kada kilo. Ang imported well-milled rice ay nasa ₱45 hanggang ₱50, habang ang regular-milled ay ₱42 hanggang ₱45.
Para naman sa lokal na bigas, ang premium rice ay nasa ₱48 hanggang ₱61 kada kilo, habang ang well-milled ay nasa ₱45 at ang regular milled ay nasa ₱40 kada kilo. RNT/MND