MANILA, Philippines – Arestado ng pulisya ang tatlong suspek sa ikinasang operasyon sa Quezon City matapos makuhanan ng P102,000 halaga ng illegal na droga.
Sa ulat ng Cubao Police Station (PS 7) sa pamumuno ni PLTCOL June Paolo Abrazado, kinilala ang mga suspek na sina Julius Corpin, 33 taong gulang, at Denver Corpin, 29 taong gulang, kasama ang kanilang kasamahan na si Nathaniel Ayuno, 33 taong gulang, na pawang mga residente ng Brgy. San Martin De Porres, Cubao, Quezon City.
Batay sa report, isinagawa ang buy-bust operation bandang 11:15 ng gabi nitong Huwebes, Setyembre 5 sa No. 6A Zambales St., Brgy. San Martin De Porres, Cubao, Quezon City matapos makatanggap ng impormasyon ang mga operatiba tungkol sa ilegal na gawain ng suspek.
Nagsilbing poseur buyer ang isang pulis at bumili ng shabu sa mga suspek na nagresulta sa kanilang pagkakaaresto.
Nasamsam mula sa mga suspek ang 15 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P102,000.00, dalawang cellphones, coin purse at ang buy-bust money na ginamit sa transaksyon.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. RNT