MANILA, Philippines – TINATAYANG aabot sa P11.76 milyong halaga ng hinihinalang marijuana kush ang nasabat matapos harangin ang apat na “abandonadong” inbound packages sa Central Mail Exchange Center (CMEC) sa Pasay City, ayon sa Philippine National Police Aviation Security Group (PNP AVSEG) nitong Lunes.
Nabuking ang kahina-hinalang mga package matapos dumaan sa x-ray examination ng Bureau of Customs nang madiskubre ang laman ng mga ito matapos inspeksyunin ng K9 unit ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong nakaraang Biyernes.
Ayon sa AVSEG, unang natukoy sa pagsusuri na kabilang ang mga parcel sa batch ng mga abandonadong shipment. Nang manu-manong buksan, tumambad ang mga ilegal na droga na itinago sa iba’t ibang bagay gaya ng kendi, damit, kumot, cereal, snack packs, at mga lata.
Umabot sa kabuuang 7,840 gramo ng hinihinalang marijuana kush ang nadiskubre sa mga nasabing parcel.
Hindi pa tinukoy ng AVSEG kung saan ipinadala ang mga package at kung sino ang dapat tumanggap ng mga ito.
Agad namang isinuko sa PDEA ang mga nakumpiskang kontrabando para sa tamang disposisyon at mas malalim na imbestigasyon.
Ayon pa sa AVSEG, kumilos ang kanilang mga operatiba matapos makatanggap ng intelligence report mula sa PDEA hinggil sa kahina-hinalang mga parcel sa nasabing pasilidad.
Matatandaang una nang nakasabat ang pulisya ng 82 abandonadong parcel na naglalaman ng tinatayang P30.27 milyong halaga ng hinihinalang droga noong nakaraang Martes at Miyerkules, na kapwa rin naharang sa CMEC. JAY Reyes