MANILA, Philippines – Sinabi nina Senador Bong Go at Robinhood Padilla na hindi sila aalis sa Senate minority bloc sa kabila ng ulat na ang ilang senador ay lumilipat na sa majority bloc.
Bago magtapos ang sesyon sa Senado, ipinakita ng dalawang senador ang signature fist bump ni Duterte hawak ang mga papel na may nakasulat na: “Duterte bloc kami. Kayo na lang sumama!”
“Solid Duterte bloc kami! Kahit tatlo na lang kami maiwan,” ani Go sa isang Facebook post na tumutukoy kina Padilla at Senador Ronald dela Rosa.
“Magtrabaho at magserbisyo na lang ang unahin natin kaysa pulitika,” dagdag pa niya.
Kinumpirma rin ng chief of staff ni Padilla na si Atty. Rudolf Philip Jurad na mananatili ang senador sa minority bloc na pinangungunahan ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano.
“Sen. Robin Padilla is not leaving the minority bloc,” ayon kay Jurado.
Kamakailan ay sinabi ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na nagkakaroon ng usap-usapan na sina Go at Padilla, at maging si Senador Imee Marcos ay lalahok sa majority bloc.
Partikular na sinabi ni Sotto na umaasa siyang lalahok pa rin si Marcos sa majority bloc.
“Walang official na gano’n… Siguro merong pabiro every now and then kapag nagkikita kami sa lounge. Same with Senator Bong Go and Senator Robin Padilla. Meron kaming mga biruan na gano’n sapagkat ‘yan naman eh, they’re in line with the thinking of the majority. Independent Senate, kung ano sa tingin namin tama, doon kami,” ayon sa Senate President.
Nitong Lunes ay opisyal nang hinawakan ni Senator Erwin Tulfo ang foreign relations committee matapos siyang mahalal bilang bagong chairperson kapalit ni Marcos.
Noong nakaraang linggo naman ay sinabi ni Sotto na naharang ng Senate majority bloc ang coup attempt na pasisimulan sana ng ilang miyembro ng minority bloc. RNT/JGC