Home NATIONWIDE Pagpasa ng anti-political dynasty law suportado ni Vico Sotto

Pagpasa ng anti-political dynasty law suportado ni Vico Sotto

217
0

MANILA, Philippines – Nanawagan si Pasig City Mayor Vico Sotto sa pagpasa ng anti-political dynasty law at sinabing ang kapangyarihan sa politika ay hindi lamang dapat nakatutok sa iilang mga personalidad.

Ang pahayag ni Sotto ay kasabay ng pagbubukas ng Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation ng consultative meetings nito sa panukalang anti-political dynasty bills, na nagsimula sa Barangay Caniogan, Pasig City.

“Para sa akin, hindi ito tungkol sa kahit sinong indibidwal o espesipikong pamilya. Hindi ito laban sa isang pamilya, indibidwal, o politiko. Ang tinututulan natin ay ang konsentrasyon ng kapangyarihan sa kamay ng iilan,” ayon sa alkalde.

“Ang tinututulan natin dito ay ang paggamit ng resources ng taumbayan—the use of state resources, the use of taxpayers’ money—to perpetuate themselves in power. Ginagamit ang makinarya ng pamahalaan at pera ng taumbayan para manatili sa puwesto,” dagdag pa ni Sotto.

Samantala, ipinunto rin ni Sotto na ang Konstitusyon ay gumagarantiya sa equal access sa oportunidad sa public service. Ito ay isang obligasyon umanong ang Kongreso ay “slept on for the past 40 years.”

Nasa anim na panukalang anti-political dynasty bills ang kasalukuyang pending sa Senate committee.

Magsasagawa rin ng kaparehong konsultasyon ang panel sa Laguna, Bacolod, Bulacan, Cagayan de Oro, at iba pa.

Ayon kay committee chairperson Senator Risa Hontiveros, ang panukalang hakbang ay dapat na maging practical at suportado hindi lamang ng mga mambabatas kundi maging ng publiko.

“Ang public consultation na ito ay hindi bagong usapin. Ito ay pagpapatuloy ng halos apat na dekada nang pakikibaka—isang laban na mismong Saligang Batas ang nag-utos.”

“Kung saan may konsentrasyon ng kapangyarihan sa iilang pamilya, naroon din ang korapsyon, kahirapan, at kakulangan ng pananagutan. Sa halip na serbisyo-publiko, personal na interes ang nagiging sentro,” dagdag niya. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here