CEBU, Philippines – Nasamsam ng pulisya ang smuggled na sigarilyo na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P130,200 sa Cordova, Cebu noong Miyerkules ng gabi, Pebrero 11.
Nangyari ang operasyon sa Purok Langub, Barangay San Miguel, Cordova, bilang bahagi ng routine inspection sa mga retail store na pinaghihinalaang nagbebenta ng ilegal na sigarilyo.
Sa inspeksyon, nakuha ang 48 reams at 11 packs ng FORT cigarettes, at 16 reams ng KING PEN cigarettes. Lahat ng nasamsam na items ay walang tamang government markings at graphic health warnings.
Ayon sa ulat, ang maliit na sari-sari store kung saan nakuha ang sigarilyo ay pagmamay-ari ng isang residente na tinukoy lamang bilang “Francis.” Inamin ng may-ari sa pulisya na binili niya ang sigarilyo dahil mas mura ito kumpara sa mga lehitimong brand. Sinabi rin niya na ang supplier ay isang hindi kilalang Muslim mula Lapu-Lapu City na nagde-deliver gamit ang motorsiklo.
Ayon sa Cebu Police Provincial Office (CPPO), bahagi ang insidente sa isang coordinated, province-wide anti-smuggling drive. Sa parehong araw, nakumpiska rin ang P257,694 na halaga ng ilegal na sigarilyo sa iba pang bayan at lungsod sa Cebu, na may kabuuang 347 packs at 143 reams na walang tamang tax markings at health warnings.
Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang mga posibleng ruta ng supply at iba pang retailers na sangkot sa ilegal na kalakalan ng tabako. Ang pagbebenta ng sigarilyo nang walang tamang buwis at health warnings ay labag sa batas, nagdudulot ng pagkawala ng kita ng gobyerno, at panganib sa kalusugan ng publiko.
Nananatili sa kustodiya ng Cordova Municipal Police Station ang lahat ng nasamsam na items habang nagpapatuloy ang follow-up inspections at monitoring sa lugar upang matukoy ang iba pang sangkot at malaman kung magsasampa ng kaso laban sa kanila. RNT/MND