MANILA, Philippines – Iniulat ng Philippine National Police (PNP) nitong Lunes na nakumpiska ang humigit-kumulang ₱14.89 bilyong halaga ng ilegal na droga at naaresto ang 45,546 suspek sa 37,401 operasyon mula Enero hanggang Setyembre 4.
Ayon kay PNP spokesperson Brig. Gen. Randulf Tuaño, ₱628.4 milyon na halaga ng droga ang nasamsam sa operasyon mula Agosto 29 hanggang Setyembre 4, kung saan 1,213 suspek ang nahuli at nakumpiska ang shabu, marijuana, at ecstasy.
Sa Quezon City, 187 katao ang naaresto mula Agosto 31 hanggang Setyembre 6, kabilang ang 69 drug suspects at 80 wanted persons. May mga isinagawang anti-gambling at firearms operations na nagresulta rin sa dagdag na aresto at kumpiskasyon.
Samantala, iniulat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na ₱1.16 bilyon na halaga ng ilegal na droga ang nakumpiska sa 48 nationwide operations sa parehong panahon, kung saan 101 suspek ang nadakip.
Pinuri ni PDEA chief Isagani Nerez ang mga regional office sa pagpapatuloy ng mas pinaigting na kampanya laban sa droga alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. RNT