MANILA, Philippines – Umabot sa P14 million cash incentive ang kabuuang natanggap ni two-time Olympic medalist Carlos Yulo mula sa House of Representatives matapos ang matagumpay nitong laban sa 2024 Paris Olympics.
Bahagi ng cash incentive ay P6 million na mula sa House of Representatives habang ang P8 million pa ay kontribusyon mula sa mga 300 mambabatas.
Bukod sa cash, nakatanggap din si Yulo ng Congressional Medal of Excellence.
“Salamat po sa mga nagpuyat para mapanood kami. Ang panalo ko po ay panalo nating lahat,” pahayag ni Yulo.
Samantala ang mga Olympic bronze medalists na sina Aira Villegas at Nesthy Petecio ay nakatanggap ng kabuuang P3.5 million bawat isa mula sa Kamara, ang P1 million ay mula sa House sa Representatives habang ang P2.5 million cash incentives ay nabuo sa pag-aambang ambag din ng mga mambabatas.
Hindi lamang sina Yulo, Pretencio at Villegas ang binigyan ng incentives ng Kamara kundi maging ang 19 pa na atleta na lumahok sa Olympics, bawat isa ay binigyan ng P500,000.
Kinilala ni House Speaker Martin Romualdez ang sakripisyo ng mga Olympians at tiniyak nito ang pag-amyenda sa National Athletes, Coaches and Trainers Benefits and Incentives Act of 2001 sa layon na rin na maitaas pa ang mga benepisyong natatanggap nito.
Si Yulo ay una nang nakatanggap ng P40 million of incentives mula sa Office of the President at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Una nang inadopt ng Kamara ang tatlong resolusyon na nagpapaabot ng pagbati kina Yulo, Petecio at Villegas, nagbigay ng Congressional Medal of Distinction ang mga mambabatas sa 3 Olympians. Gail Mendoza