Home HOME BANNER STORY P150K aid sa OFWs na hagip ng MidEast tension, fake news –...

P150K aid sa OFWs na hagip ng MidEast tension, fake news – OWWA

159
0

MANILA, Philippines— Pinabulaanan ng Overseas Workers Welfare Administration ang mga kumakalat na post sa social media na nagsasabing makatatanggap ng P150,000 cash assistance ang mga overseas Filipino workers na magpaparepatriate dahil sa sigalot sa Middle East.

Sa isang pahayag sa Facebook, sinabi ng ahensya na mali at peke ang naturang impormasyon at hinimok ang publiko, lalo na ang mga OFW, na beripikahin muna ang mga nababasang impormasyon online.

“Nakakalungkot makita na sa panahong nakatuon ang pamahalaan sa pagsiguro sa kaligtasan at kapakanan ng ating mga OFW, may mga patuloy na nagpapakalat ng maling impormasyon. May ilan pang gumagamit ng AI videos at iba pang paraan upang magmukhang lehitimo ang mga ito,” ayon sa OWWA.

Nilinaw ng ahensya na bagama’t walang P150,000 na tulong pinansyal, may mga benepisyo pa ring maaaring matanggap ang mga OFW na miyembro ng OWWA.

Kabilang dito ang financial assistance para sa mga OFW na nasa distress, mga livelihood at reintegration program para sa mga nais magsimula muli sa Pilipinas, at mga training, scholarship, at upskilling opportunities.

Hinimok din ng OWWA ang publiko na maging mapanuri at huwag agad maniwala sa mga post o video na walang malinaw na pinanggalingang impormasyon.

Pinayuhan din ang publiko at mga OFW na sundan ang opisyal na social media pages ng Overseas Workers Welfare Administration at Department of Migrant Workers para sa tamang impormasyon.

Nauna nang iniulat na mahigit 1,900 OFW sa Middle East ang humiling ng repatriation sa gitna ng tumitinding sigalot sa rehiyon. Ang unang batch ng 299 Pilipino mula sa Dubai ay dumating na sa Pilipinas noong Marso 5. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here