Home METRO P16.2M ketamine, marijuana kush nasabat sa mga parcel sa Pasay

P16.2M ketamine, marijuana kush nasabat sa mga parcel sa Pasay

MANILA, Philippines – Kinumpiska ng mga operatiba ng Inter-Agency Drugs Interdiction Task Group (IADITG) ang nadiskubreng Ketamine at Marijuana Kush na nakapaloob sa tatlong parcel na may kabuuang halaga na P16,248,980 sa isinagawang interdiction operation sa Central Mail Exchange Center (CMEC) Huwebes ng madaling araw, Hunyo 19.

Sa inisyal na report ng IADITG, nadiskubre ang pagpasok ng ilegal na droga na nakapaloob sa tatlong inbound parcel bandang alas-12:30 ng hatinggabi sa Central Mail Exchange Center (CMEC), Domestic Road, Pasay City.

Ang unang binuksang parcel ay idineklarang ‘brand shirt pack’ na ipinadala ng isang Keith Hardin ng 923 Tanya Lynn Dr, Jefferson City MO 65109 na naka-consign kay Prince Jhustin Lapaz, residente ng 1219 Lualhati Street, Tondo, Manila, ay may nakapaloob na paper bag na pinaglagyan ng vacuum sealed transparent plastic bag ng Marijuana Kush na may bigat na 240 gramo.

Ang ikalawang parcel ay ipinadala naman ng isang Miss Sawat Bunsa-at ng 2/263 Ban Nong Kae, Nong Kae Subdistrict, Huah”m District, Paochuap Khiri, Kham Province, Thailand na naka-consign sa isang Andrei Leongson ng Block 43 Lot 27, Fatima Street, Daanghari, Navotas.

Ang naturang parcel ay may laman na kulay puti, brown at berdeng kahon kung saan naglalaman ang puting kahon ng 198 gramo ng Marijuana Kush; 208 gramo ng Marijuana Kush sa brown na kahon; at sa berdeng kahon naman ay may laman na 212 gramo ng Marijuan Kush kung saan ang kabuuang halaga ng nakumspikang Marijuana Kush ay umabot sa P1,123,980.

Sa huling binuksang parcel naman ay naka-consign sa isang Daniel 09276900391 ng Kassel Residences condominium, Parañaque, Philippines 1709 na ipinadala ng isang Li Huei ng 05-552 Wolka Kosowska.

Dito naman sa ikatlong parcel ay nadiskubre ang limang transparent plastic bags na naglalaman ng 3,025 gramo ng Ketamine na nakapaloob sa isang coffee maker na nagkakahalaga ng P15,125,000.

Ang mga nakumspikang ilegal na droga ay dinala sa PDEA Laboratory Service para isailalim sa laboratory examination.

Ang mga indibidwal na sangkot sa pag pasok ng ilegal na droga sa bansa ay nahaharap sa kasong paglabag sa Section 4, Art. Il ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).

Ang NAIA-IADITG ay binubuo ng mga iba’t-ibang ahensya ng PDEA RO NCR; Bureau of Customs – Customs Anti-Illegal Drugs Task Force (BOC-CAIDTF); PNP Aviation Security Group (AVSEG); Airport Police Department (APD); PNP Drug Enforcement Group (DEG); National Bureau of Investigation (NBI); at ng Bureau of Immigration (BI). James I. Catapusan/Photos by Jimmy Hao