Home NATIONWIDE Sundalo, 3 rebeldeng NPA patay sa bakbakan sa Sultan Kudarat

Sundalo, 3 rebeldeng NPA patay sa bakbakan sa Sultan Kudarat

MANILA, Philippines – Patay ang tatlong miyembro ng rebeldeng grupo, at isang sundalo sa naganap na sagupaan sa bulubunduking bahagi Kalamansig, Sultan Kudarat nitong Huwebes, Hunyo 19.

Ayon kay Lt. Col. Christopherson Capuyan, commanding officer ng Army 37th Infantry Battalion, nagsasagawa ng military operations ang pwersa ng pamahalaan sa bundok ng Barangay Datu Ito Andong sa Kalamansig madaling araw ng Huwebes nang makasagupa nito ang grupo ng New People’s Army na pinaniniwalaang pinamumunuan ni Eusivio Cranzo alyas Agaw at Brix.

Ani Capuyan, tumagal ng mahigit dalawang oras ang sagupaan na nag-iwan ng tatlong nasawi sa hanay ng mga rebelde.

Narekober ng mga sundalo ang tatlong M16 rifles, ammunition at personal na mga gamit.

Namatay din umano ang isang sundalo sa nangyaring engkwentro.

Inatasan ni Brigadier General Michael Santos, commander ng Army 603rd Infantry Brigade ang iba pang Army units na palakasin ang manhunt laban sa iba pang rebeldeng NPA sa border ng Sultan Kudarat at South Cotabato provinces.

“We expressed our sadness for our slain comrade who offered his life in defense of our country and for protecting our people,” sinabi ni Santos.

“At the same time, we give decent burial for our fallen fellow Filipinos who chose the wrong ideology as a sign of our respect for human rights,” dagdag pa niya.

Nagluluksa naman si Major General Donald Gumiran, 6th Infantry Division commander, sa pagkamatay ng isa sa kanyang subordinates “who made the supreme sacrifice in defense of the country and the Filipino people.”

Ipinag-utos din nito ang pinalakas na military operation sa mga nalalabing rebelde sa Sultan Kudarat at South Cotabato. RNT/JGC