MANILA, Philippines – Nagpaabot na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng mahigit isang daang milyong pisong halaga ng humanitarian aid sa mga pamilya at indibidwal na nasalanta ng Severe Tropical Storm Kristine.
Sa progress report hanggang nitong Sabado, Oktubre 26, sinabi ng DSWD na ang kabuuang halaga ng humanitarian assistance na naipamahagi ay nasa P163,843,918.47 na.
Sinabi rin ni DSWD spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao na may namonitor ang ahensya na 1.21 milyong apektadong pamilya, o katumbas ng 4.6 milyong katao.
Aabot sa 277,000 family food packs na ang naiturn-over sa local government units.
Ang family food pack ay kayang tumagal ng dalawa hanggang tatlong araw para sa isang pamilya na may limang miyembro.
Naapektuhan ng bagyong Kristine ang nasa 7,453 barangay sa National Capital Region, Regions I, II, III, CALABARZON, MIMAROPA, V, VI, VII, VIII, IX, X, XI, XIII, CARAGA, Cordillera Administrative Region, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Samantala, sinabi ng DSWD na mayroon itong kabuuang P2,710,767,549.29 available relief resources. Malaking bahagi nito o P2.5 bilyon, ay napupunta sa food at non-food aid, habang ang nalalabing halaga ay para sa standby funds. RNT/JGC