MANILA, Philippines – Sinabi ni Finance Secretary Ralph Recto nitong Sabado, Oktubre 26 na may sapat na pondo ang pamahalaan para suportahan ang relief at rehabilitation efforts sa mga lugar na apektado ng Severe Tropical Storm Kristine.
Sa pahayag, sinabi ni Recto na ang pondo ay maaaring magamit para suportahan at mapalakas pa ang disaster preparedness and response efforts ng mga lokal na pamahalaan.
“Rest assured, we have adequate funds in the National Treasury to quickly deliver more critical services and fund post-disaster emergency response, recovery, and reconstruction efforts,” ayon sa Finance chief.
“Together, we will quickly rebuild and regain what we have lost. And to prevent damages moving forward, we will further strengthen the capacity of our LGUs to improve their respective disaster preparedness and response efforts,” dagdag pa ni Recto.
Sa ilalim ng General Appropriations Act of 2024, ang pamahalaan ay may ponding nakalaan sa ilalim ng National Disaster Risk Reduction and Management Fund (NDRRMF) at Quick Response Fund (QRF) para tumugon sa mga relief operation.
Ani Recto, ang mga pondo ay maaaring magamit para sa reconstruction, rehabilitation, o repair ng mga nasirang kalsada, tulay, gusali, at iba pa.
Ang pondo ay maaari ring magamit para maghatid ng agarang tulong sa mga apektadong komunidad sa pamamagitan ng mga food packs, first aid at mga gamot, temporary shelters, emergency needs, at iba pang pangangailangan.
Sinabi pa ni Recto na kabilang sa mga karagdagang pondo na maaaring makuha ng DOF ay ang unprogrammed funds, ang $500 million standby credit line, Rapid Response Option (RRO) facility, at ilang contingent emergency response components mula sa World Bank, at post-disaster standby financing mula sa Japan.
Ang mga karagdagang pondo na ito ay agarang mawiwithdraw at ilalabas sa oras na magdesisyon ang pamahalaan na gamitin ito.
Bilang bahagi ng Disaster Risk Finance strategy, sinabi ni Recto na handa rin ang Bureau of the Treasury (BTr) na mag-file ng claim sa ilalim ng National Indemnity Insurance Program (NIIP) para sa repair at rehabilitation ng mga pampublikong paaralan na sinira ng bagyong Kristine.
Kaagapay din ng DOF ang Bureau of Local Government Finance (BLGF), Bureau of Internal Revenue (BIR), Bureau of Customs (BOC), Social Security System (SSS), Government Service Insurance System (GSIS) at Land Bank of the Philippines para sa mga kaukulang tulong para sa mga apektadong residente.
Nitong Sabado, Oktubre 26, ay iniulat ng Office of Civil Defense (OCD) na 81 katao ang nasawi dahil sa bagyong Kristine.
Kabuuang 4.472 milyong katao naman, o 1.062 milyong pamilya ang lubhang naapektuhan ng bagyo. RNT/JGC