MANILA, Philippines – Sa ikinasang police operation ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Muntinlupa City police ay nadakip ang isang 37-taong-gulang na lalaki kung saan nakuhanan ito ng shabu na nagkakahalaga ng ₱170,000 Martes ng gabi, Mayo 28.
Sa report na natanggap ng Southern Police District (SPD) ay nakilala ang inarestong suspect na si alyas Edward.
Matagumpay na naisagawa ng operasyon na nagdulot ng pagkakadakip kay alyas Edward dakong alas 8:05 ng gabi sa Barangay Putatan, Muntinlupa City.
Sa ilalim ng Search Warrant No. 24-011 na inisyu ni Muntinlupa City Regional Trial Court (RTC) Executive Judge Myra B. Quiambao ng Branch 203 ay naisakatuparan ang pag-aresto kay alyas Edward.
Sa isinagawang operasyon ay nakarekober din ang mga tauhan ng SDEU sa posesyon ng suspecty ng 25 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱170,000.
Kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspect na kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Muntinlupa City police. (James I. Catapusan)