MANILA, Philippines – Tukoy na ng pulisya ang registered owner ng kotse na ginamit sa pamamaril sa isang drayber sa EDSA-Ayala Tunnel sa Makati City nitong Martes, Mayo 28.
Ayon sa Southern Police District, nakipag-ugnayan sila sa Land Transportation Office at iba pang ahensya ng pamahalaan para makuha ang pangalan ng may-ari.
Inaalam na rin ng SPD ang profile ng suspek sa pamamaril.
“As of now, based doon sa record ng LTO, meron na tayong pangalan kung kanino nakaregister ‘yun. So ang e-establish na lang natin of course is kung sino talaga ‘yung driver ng Mercedes Benz na kulay itim na gamit ng suspek natin doon sa pamamaril,” pahayag ni PCol. Jessie Tamayao, Deputy District Director for Administration ng Southern Police District sa panayam ng ABSCBN News.
“Patuloy ang investigation natin. We coordinated with all concerned agencies the LTO, of course sa prosecutors natin about possible filing of court order ng hold departure ng concerned possible suspect natin,” pagpapatuloy niya.
Ani PCol. Tamayao, pauwi na sana ang drayber sakay ng kanyang puting Toyota Innova kasama ang babaeng pasahero at isang menor de edad nang pagbabarilin ito ng suspek na sakay ng itim na kotse.
“Actually family driver ‘yung nasawi na victim. Magkasama sila tapos sinundo nila ‘yung anak ng kanilang amo doon sa eskwelahan dito sa Taguig City. Then along the way nung pauwi na sila, from Kalayaan flyover, heading towards EDSA Southbound doon palang sa baba meron ng gitgitan ng sasakyan between the suspect’s vehicle and vehicle ng biktima,” sinabi ni Tamayao.
Ayon sa pasaherong babae, hindi naman nakipagsagutan ang biktima sa suspek at wala rin umanong bumaba para makipag-away.
“Hindi naman nakipag-argue or whatsoever ‘yung biktima. In fact nagbigay ‘yung biktima nang tuloy tuloy na bumusina ‘yung suspek. However, before sila bumaba sa may Ayala Tunnel, doon na biglang binaril ng suspek ‘yung victim,” salaysay ni PCol. Tamayao.
Road rage ang tinitingnang anggulo ng pulisya, bagama’t hindi pa isinasantabi ang ibang motibo sa pamamaril.
“Titingnan natin ‘yung other possible, posibleng anggulo ng insidente. Maaari na may iba pang anggulo ito. Ito yung subject for follow up investigation natin,” ani PCol. Tamayao.
Ayon sa pulisya, stay-in driver ang biktima sa pinagtatrabahuhang negosyante na limang buwan pa lamang namamasukan bilang family driver.
Nanawagan na ang SPD sa publiko na maging alerto at isumbong kung may makikitang itim na sasakyan.
“Isang panawagan natin sa ating kababayan. Kulay itim na Mercedes Benz yung gamit ng ating suspect. So baka lang, wala naman ibang pupuntahan yun. Baka magawi sa lugar ninyo. Kung maaari makipagtulungan tayo sa pulisya,” ayon kay PCol. Tamayao.
Nagpapatuloy ang hot pursuit operation sa suspek. RNT/JGC