Home NATIONWIDE P173 milyon ibinigay sa mga manggagawang may ‘dispute’ sa trabaho sa Visayas

P173 milyon ibinigay sa mga manggagawang may ‘dispute’ sa trabaho sa Visayas

MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Labor and Employment (DOLE) na nakapamahagi na ng P173 milyong halaga sa mga manggagawang naghain ng mga ‘dispute’ o reklamo sa kanilang mga employers, sa unang anim na buwan ngayong taon.

Ayon sa labor department, nasa 2,904 na mangaggawa mula sa Central Visayas ang nabenepisyuhan sa ilalim ng Single Entry Approach (SEnA) program.

Buhat ito sa mga reklamo tulad ng mababang pasahod, mga hindi naibibigay na maternity claims, hindi pagbabayad ng 13th month pay, holiday pay, night shift differential, service incentive leave, at overtime pays at iba pa.

Nasa P103.5 milyon ang nailabas para sa mga manggagawa nitong Mayo, P43.7 nitong Marso, P11.8 milyon noong Pebrero, P8.1 milyon noong Enero, P3.9 milyon nitong Hunyo at pinakamababa na P1.7 milyon noong Abril.

Sinabi ni DOLE-7 Regional Director Lilia A. Estillore na umabot sa 1,379 requests for assistance ang natanggap nila sa unang semestre ng taon.

Agad na inaksyunan naman ang mga ito at nagresulta ng 84.70% settelement rate sa pagitan ng mga manggagawa at employers.

Ayon sa DOLE-7, sa pamamagitan umano ng SENa program, nareresolba ang lahat ng reklamong kanilang natatanggap sa loob ng 30-calendar days o mas maaga pa.

Hinihikayat ang mga manggagawang may reklamo sa kanilang pinapasukan na gamitin ang e-SEnA sa pagtungo sa DOLE-7 website na https://ro7.dole.gov.ph/. Jocelyn Tabangcura-Domenden