TABUK CITY, Kalinga- Halos umabot sa P17.2 milyon ang halaga ng marijuana plantation na sinunog ng mga awtoridad sa Loccong, Tinglayan, Kalinga.
Sa tala ng Kalinga Police Provincial Office o KPPO, aabot sa anim na plantasyon ng marijuana ang sinira ng Lumin-awa cops sa kanilang tatlong araw na implementasyon ng marijuana eradication sa Barangay Loccong, Tinglayan, Kalinga mula Hunyo 24 hanggang Hunyo 26, 2024.
Katuwang ng Kalinga PPO sa nasabing operasyon ang mga operatiba ng iba’t ibang Drug Enforcement at PNP Units sa lalawigan.
Binunot at sinunog ng mga awtoridad ang nasa 86,000 na fully grown marijuana plants sa 5,400 square meters na taniman na tinatayang nagkakahalaga ng P17,200,000.
Walang naabutang cultivator o may-ari ang mga awtoridad nang sila ay dumating sa lugar bagama’t nakita rito ang mga kubo na ginagamit ng mga ito.
Patuloy na inaalam ng pulisya kung sino ang may-ari ng mga plantasyon ng marijuana. Rey Velasco