MANILA, Philippines – Maaaring umabot sa hindi bababa sa P1,800 kada araw ang maiuuwi ng mga traditional jeepney driver na lalahok sa public utility vehicle service contracting program ng pamahalaan simula Abril 15, ayon sa Department of Transportation nitong Lunes.
Sa pagdinig ng Senate PROTECT Committee, sinabi ni DoTr Undersecretary Mark Steven Pastor na tinatayang 36,000 traditional jeepney driver sa buong bansa ang makikinabang sa programa, na tatagal sa loob ng dalawang linggo.
“The service contracting program was initially launched in 2020. It will adopt a similar approach, but for this instance, it will be implemented through a net service contracting program,” pahayag ni Pastor sa komite ng Senado.
Ipinatutupad ang programa habang dumaranas ng matinding epekto ang mga jeepney driver dahil sa pagtaas ng presyo ng langis bunsod ng umiiral na sigalot sa Middle East, kung saan bumabagsak na umano sa P200 hanggang P300 kada araw ang kanilang take-home pay.
Ayon kay Pastor, tinatayang aabot sa P5,000 ang gross daily income ng mga contracted driver, ngunit babawasan pa ito ng ilang gastusin kabilang ang fuel costs, boundary, at 20% passenger discount.
“The net take-home pay of the driver is P1,800,” ani Pastor.
Sinabi ng DOTr na bibiyahe ang mga contracted driver sa 828 high-density routes sa buong bansa, kung saan 545 ay nasa Metro Manila. Para sa jeepney, tatanggap ng P40 kada kilometro ang modern units habang P30 kada kilometro naman ang traditional units.
Saklaw din ng programa ang mga bus, kung saan bibigyan ng P100 kada kilometro ang mga operator at driver, na inaasahang makikinabang ang 50 operator, 500 bus unit, at 300,000 arawang pasahero ng EDSA Busway pa lamang.
Nauna nang sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na humiling ang DOTr ng karagdagang P5 bilyong budget mula sa Department of Budget and Management upang mapalawak at mapahaba ang service contracting program.
“Yes, we received the request. We need to find sources,” sabi ni DBM Acting Secretary Rolando Toledo sa panel ng Senado.
Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang programa noong nakaraang linggo at sinabing ipatutupad ito sa off-peak hours upang matiyak na may masasakyang pampublikong transportasyon ang mga commuter kahit labas sa rush hour. RNT