MANILA, Philippines – Iginiit ni dating Sen Antonio Trillanes IV sa pagdinig ng House Committee on Justice na may kaugnayan sa isang hinihinalang drug lord ang ilang bank transactions ng pamilya Duterte, kabilang si VP Sara Duterte.
Sa kanyang affidavit na iniharap sa pagdinig kaugnay ng impeachment complaint, sinabi ni Trillanes na umabot sa P181.6 milyon ang kabuuang halaga ng mga tsekeng tinanggap o na-encash ng mga miyembro ng pamilya Duterte mula Uy.
Ayon kay Trillanes, kabilang sa tumanggap ng pondo sina Sara Duterte (P22.3 milyon), Rodrigo Duterte (P15.6 milyon), Sebastian Duterte (P51.5 milyon), Paolo Duterte (P38.8 milyon), at Cielito Avanceña o Veronica Duterte (P53.2 milyon).
Ani Trillanes, may kalakip na annex sa kanyang sinumpaang salaysay na naglalaman ng buod ng mga bank transactions.
Sinabi rin ni Trillanes na may koneksyon si Uy sa mga personalidad tulad ni Michael Yang, dating economic adviser ni Rodrigo Duterte, at iniuugnay sa mga kontrobersiya gaya ng Pharmally at POGO.
“Si Sammy Uy ay isang kilalang political contributor ni Rodrigo Duterte at kilalang kasama o kasosyo ni Michael Yang, ang dating Economic Adviser ni Rodrigo Duterte, na siya namang iniuugnay sa mga kontrobersya ng Pharmally at POGO, gayundin sa bilyun-bilyong halaga ng mga ilegal na droga na nakumpiska sa isang bodega sa POGO Compound sa Porac, Pampanga,” paliwanag pa niya.
Nanindigan si Trillanes na ang nasabing mga transaksyon sa isang drug lord ay nagdudulot ng seryosong pagdududa sa integridad ng Pangalawang Pangulo.
“Ang mga transaksyong pinansyal ni Sara Duterte at ng mga malapit na miyembro ng kanyang pamilya, na nag-uugnay sa kanya kay Sammy Uy at sa mga tinukoy na personalidad na sangkot sa droga (‘drug personalities’) ay lubhang nakababahala, hindi lamang dahil ito ay malinaw na paglabag sa Konstitusyon at sa iba’t ibang batas ng bansa, kundi malinaw din itong naglalagay ng malalim na pagdududa sa kanyang personal na integridad at kakayahan o moral capacity upang patuloy na magsilbi bilang Pangalawang Pangulo ng Republika,” pahayag ni Trillianes.
“Kaya naniniwala ako na dapat lamang na panagutin siya at litisin siya sa pamamagitan ng impeachment,” giit pa ng dating senador.
Samantala, sinabi ni Trillanes sa komite na mismong si dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016 ay umamin ng pagkakaroon ng bank account sa BPI na hindi idineklara sa kanyang SALN.
“Noong 2016, inamin mismo ni Rodrigo Duterte na mayroon nga siyang bank accounts sa BPI at nabigo siyang ideklara ang nilalamas sa kanyang SALN,” aniya.
Ayon sa kanya, ginawa ang pag-amin matapos niyang hamunin ang dating pangulo na lumagda sa waiver of secrecy of bank deposits.
“Ang pag-aming ito ay naganap matapos ko siyang hamunin na lumagda ng waiver of secrecy of bank deposits,” dagdag niya.
Binanggit din ni Trillanes ang dating pahayag ni Duterte sa media kaugnay ng laman ng account.
“A little less than 200 million. Wala na, ginastos ko na, naghappy-happy ako,” ani Duterte ayon sa affidavit.
Sinabi ni Trillanes na ang mga alegasyong ito ay bahagi ng kanyang mga isinumiteng ebidensya sa komite na sinusuri kung may probable cause ang impeachment complaint laban kay VP Duterte. Gail Mendoza