Home HOME BANNER STORY Trillanes: Reklamo sa yaman ng Duterte, suportado ng rekords ng Ombudsman...

Trillanes: Reklamo sa yaman ng Duterte, suportado ng rekords ng Ombudsman at AMLC

128
0

MANILA, Philippines – Inihayag ni dating senador Antonio Trillanes IV sa House Committee on Justice na ang nauna niyang reklamo kaugnay sa yaman ng pamilya Duterte ay sinuportahan umano ng mga natuklasan ng Office of the Ombudsman at records ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), bago ito natigil matapos masuspinde at matanggal sa puwesto ang opisyal na humahawak ng imbestigasyon.

Sa pagbasa ng kanyang affidavit sa pagdinig, sinabi ni Trillanes na noong 2017 ay nakita ng noon ay Overall Deputy Ombudsman na si Melchor Arthur Carandang ang sapat na basehan upang ipagpatuloy ang imbestigasyon sa bank deposits ng pamilya Duterte.

“Noong 2017 iniulat ni Over-All Deputy Ombudsman Melchor Arthur Carandang na mayroong sapat na batayan upang ituloy ang imbestigasyon hinggil sa malalaking bank deposits ni Rodrigo Duterte at ng kanyang mga anak kabilang na rin si Sara Duterte,” ani Trillanes.

Dagdag pa niya, kinumpirma rin ni Carandang sa isang public statement na magkapareho ang listahan ng bank transactions na isinumite niya sa kanyang reklamo at ang records na ibinigay ng AMLC.

Gayunman, sinabi ng dating senador na natigil ang imbestigasyon matapos masuspinde at tuluyang matanggal sa puwesto si Carandang.

Ayon kay Trillanes, ang mga dokumento at pahayag mula 2016 pataas ang naging batayan ng kanyang isinampang verified complaint laban kay Vice President Sara Duterte sa Office of the Ombudsman noong Enero 2026.

“Ako ay nagsampa ng isang Verified Complaint laban kay Sara Duterte dahil sa kanyang malinaw na pagkakasangkot sa money-laundering at pagkakaroon ng ill-gotten wealth,” ani Trillanes.

Ang naturang affidavit at mga kalakip na dokumento ay iniharap sa komite ni Trillianes bilang bahagi ng patuloy na pagdinig ng impeachment complaint laban sa Pangalawang Pangulo. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here