MAGUINDANAO DEL NORTE- Mahigit P18 milyong halaga ng puslit na iba’t ibang klase ng sigarilyo ang nasamsam ng mga awtoridad sa pinaigting na intel-driven operation, noong Sabado sa bayan ng Parang.
Ayon kay PLt. Col. Erwin Tabora, hepe ng Parang Municipal Police Station, bandang alas-10:50 ng umaga nang maharang ang dalawang wing van sa Sitio Hulbot, Barangay, Sarmiento, ng nasabing bayan.
Pagbukas ng mga awtoridad sa mga sasakyan ay tumambad sa kanilang harapan ang 490 kahon na binalutan ng makakapal na masking tape.
Isa-isang binuksan ng mga pulis ang mga kahon at nadiskubreng naglalaman ito ng sari-saring brand na sigarilyo.
Kasalukuyang nasa disposisyon ng Parang MPS ang mga sigarilyo para tamang disposisyon at dokumentasyon.
Inaalam na rin ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng may-ari ng mga puslit na sigarilyo sa para pagsasampa ng kaukulang kaso. Mary Anne Sapico