Home NATIONWIDE P1B savings target ng NegOcc sa paglipat sa solar power

P1B savings target ng NegOcc sa paglipat sa solar power

77
0

MANILA, Philippines — Tinatayang makatitipid ng hindi bababa sa P1 bilyon ang pamahalaang panlalawigan ng Negros Occidental sa loob ng susunod na 25 taon sa paglipat nito sa solar energy.

Ito ang inihayag ni WeGen Energy Philippines Inc. sales and service partner Daniel del Rosario Jr. sa pagbubukas ng Negros Occidental Renewable Energy Expo 2026 Week sa SMX Convention Center Bacolod nitong Huwebes.

Ayon kay del Rosario, nagsimula na ang lalawigan sa malaking hakbang upang matustusan ng renewable energy ang 30 hanggang 40 porsyento ng konsumo ng kuryente ng mga gusali ng pamahalaan.

Aniya, nag-install na ang kanilang kumpanya ng solar power systems sa Provincial Capitol at target na mapalawak pa ito sa lima pang gusali ng gobyerno na may kabuuang kapasidad na 1.2 megawatts.

Sa nakalipas na walong buwan, tinatayang nasa P740,000 na ang natipid ng Provincial Capitol sa gastos sa kuryente.

Sinabi rin ni del Rosario na ang unang anim na solar projects ay inaasahang makapagbibigay ng P435 milyong tipid sa loob ng 25 taon nang walang inilalabas na puhunan ang provincial government.

Kapag naisakatuparan ang plano para sa lahat ng natitirang gusali ng gobyerno, posibleng umabot sa mahigit P1 bilyon ang kabuuang matitipid ng lalawigan.

“With the plan to cover all remaining buildings, the province stands to realize savings of no less than P1 billion over the next 25 years, which can fund a wealth of social services,” ani del Rosario.

Bukod sa pinansyal na benepisyo, malaki rin umano ang maitutulong nito sa kalikasan.

Ayon kay del Rosario, ang anim na solar projects ay inaasahang makababawas ng 25,521 metric tons ng carbon dioxide emissions sa loob ng 25 taon, katumbas ng pagtatanim ng humigit-kumulang 420,000 puno.

Nagpasalamat din siya kay Negros Occidental Gov. Eugenio Jose Lacson para sa suporta nito sa renewable energy initiatives ng lalawigan.

Samantala, sinabi ni Lacson na mahalagang palakasin ang energy systems ng probinsya upang matiyak ang abot-kaya at maaasahang suplay ng kuryente para sa mga Negrense, lalo na sa mga komunidad sa kanayunan.

“Let us continue working together to turn our plans into concrete results,” ani Lacson. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here