Home METRO P1M bato nasabat ng MPD

P1M bato nasabat ng MPD

MANILA, Philippines- Mahigit P1 milyong halaga ng shabu ang nasabat sa magkahiwalay na buy-bust operation sa Maynila, iniulat ng Manila Police District (MPD) noong Linggo, Agosto 11.

Sa ulat ng pulisya, naaresto ang isang lalaki na kinilalang si Mohammad Ali Bolao, 35, sa buy-bust operation sa España Boulevard corner Don Quijote Street, Barangay 456 sa Sampaloc noong Agosto 9 sa pangunguna ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng MPD Sampaloc Police Station.

Nagresulta ang nasabing operasyon sa pag-aresto sa suspek at pagkakumpiska sa 100 gramo ng hinihinalang shabu na halagang P680,000.

Sa isa pang anti-criminality operation, nadakip ang isang 14-anyos matapos makita sa kanyang pag-iingat ang tinatayang walong gramo ng umano’y shabu na nagkakahalaga ng P54,000.

Isa pang drug suspect na kinilalang si alyas “Marvin,” 26, ang nakuhanan ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P6,800.

Samantala, naaresto naman ang dalawang suspek na kinilalang sina Bryan Mercadal, 31, at Joselito Cañete, 60, ng ala-1:35 ng madaling araw noong Agosto 9 sa Parola Compound sa Tondo matapos makuhanan ng 30 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P204,000.

Tatlong suspek na kinilalang sina Royet Orilliosa, 29; Angelo Jimenez, 18 at; Gabriel Natividad, 41, ang naaresto ng alas-3 ng madaling araw sa parehong araw, sa kahabaan ng Angel Linao Sreet corner J. Nakpil Street Barangay 686 sa Malate.

Sinabi ng pulisya na nakuha nila ang P115,600 halaga ng hinihinalang shabu mula sa mga nagbebenta ng droga.

Mahaharap ang lahat ng naarestong suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. Jocelyn Tabangcura-Domenden