MANILA, Philippines – Umabot sa mahigit P1 milyong pera ang narekober ng mga awtoridad mula sa binuksang 29 vault sa loob ng isa sa mga gusali ng Lucky South 99 Corp. sa Porac, Pampanga, ang Philippine offshore gaming operator (POGO) hub na ni-raid noong Hunyo.
Kasama rin sa nasamsam ng awtoridad sa mga vault ang mga dayuhang pasaporte at mga gadget tulad ng selpon.
“Yung bagong dating na mga POGO workers diyan nila, tinatago, hinhawakan nila yung mga passport ng mga tao para hindi makapalag sa kanila,” ani Presidential Anti-Organized Crime Commission Usec. Gilbert Cruz.
Nakakita rin ang mga awtoridad ng mga dokumento mula sa mga vault, ngunit hindi nila tiningnan ang mga nilalaman ng mga ito.
Samantala, umaasa ang Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) na palakasin ang ebidensya laban sa mga taong nasa likod ng POGO hub. RNT