MANILA, Philippines – Tumataginting na P2.8 bilyon ang nakolekta ng Business Permit and Licensing Office (BPLO) ng Parañaque mula sa business taxes at fees sa panahon lamang ng Enero at Pebrero ng kasalukuyang taon.
Ito ay napag-alaman kay Parañaque City Mayor Eric Olivarez na nagreport ng mataas na koleksyon ni BPLO chief Atty. Melanie Soriano-Malaya sa unang pagganap ng kanyang State of the City Address (SOCAD) sa Parañaque Sports Complex nitong Lunes, Hulyo 3.
Sinabi ni Olivarez na nakapagtala si Malaya ng koleksyong P2.8-bilyon mula sa business taxes at fees sa panahon ng renewal ng business permit sa mga buwan ng Enero at Pebrero kung saan nalampasan ang naitalang P2.33 bilyon noong nakaraang taon sa kapareho din na mga buwan ng P470 milyon.
Ayon kay Olivarez, base sa record ng said the BPLO ay mayroong kabuuang 20,569 negosyo ang naiparehistro nitong Mayo 31 kung saan nagpapakita ito na mas marami pang may-ari ng negosyo ang nais magtayo ng business sa lungsod.
Kasabay nito ay pinuri din ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) ang Parañaque BPLO na pinamumunuan ni Malaya dahil ito ang unang-unang local government unit (LGU) na nagpatupad ng Electronic Business One-Stop Shop program (E-BOSS) sa pagsasagawa ng pinakamadaling pamamaraan ng transaksyon sa lokal na pamahalaan.
Dagdag pa ni Olivarez na sa BPLO din nagsimula ang streamlining at simpleng pagkuha ng business permit at proseso sa pagkuha ng lisensya nang simulan ang implementasyon ng E-BOSS. James I. Catapusan