MANILA, Philippines – Nananatiling malaking suliranin pa rin ang pag-usad patungo sa pag-abot ng Sustainable Development Goals (SDGs) ng Pilipinas.
Ayon kasi sa pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), tanging apat lamang sa 17 goals ang nagpakita ng pag-unlad mula noong 2000.
Batay sa Current Status Index, tanging ang Goal 1 (end poverty in all its forms everywhere); Goal 3 (ensure healthy lives and promote wellbeing for all at all ages); Goal 4 (ensure inclusive and equitable quality education and promote lifelong learning opportunities for all); at Goal 14 (conserve and sustainably use the oceans, seas and marine resources for sustainable development) ang nakitaan ng pag-unlad sa loob ng 13 taon.
Itinuturing naman ng PSA na naka-apekto rito ang COVID-19 pandemic na tumama sa bansa noong 2020.
“Progress towards the achievement of the Sustainable Development Goals (SDG) remains as big challenge in the Philippines as most of the country’s gains in the past have been reversed by the Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) pandemic,” pahayag ng ahensya.
Idiniin naman ng PSA na ang pag-unlad sa naturang apat na goal, ay nananatiling mababa kumpara sa target para sa 2022.
Tanging ang Goal 17 (strengthen the means of implementation and revitalize the global partnership for sustainable development) lamang ang nakaabot sa inaasahang pag-usad para sa 2022, ngunit dahil sa kakulangan ng datos ay mahihirapan din na alamin ang bilis ng pag-usad sa naturang goal.
“This pace of progress, however, was only based on one out of the 13 indicators under this goal, which may not be sufficient to conclude for the pace of progress for Goal 17,” dagdag pa ng PSA.
Mayroon din umanong apat na iba pang target ang bumagal mula 2000, ito ay ang: Goal 2 (end hunger, achieve food security and improved nutrition and promote sustainable agriculture); Goal 8 (promote sustained, inclusive and sustainable economic growth, full and productive employment and decent work for all); Goal 11 (make cities and human settlements inclusive, safe, resilient and sustainable); at Goal 13 (take urgent action to combat climate change and its impacts).
Kung pagbabatayan ang bilis ng pag-usad ng mga ito, tanging 16.7% lamang ng 42 measurable targets ang “on track” para maabot ang numerical target ng SDG pagsapit ng 2023.
Samantala, 42.9% naman ang nangangailangan ng “accelerated efforts” upang maabot ito, habang ang nalalabing 40.5% ay nangangailangan ng “exponential acceleration of its pace” upang masalungat ang downtrend o regression sa pag-abot ng 2030 target. RNT/JGC