Home METRO P2.8M puslit na yosi naharang sa Zamboanga City

P2.8M puslit na yosi naharang sa Zamboanga City

ZAMBOANGA CITY- Nadakip ng mga awtoridad ang tatlong hinihinalang smuggler matapos maharang ang kanilang mga ipinuslit na sigarilyo na aabot sa halagang P2.8 milyon noong Martes.

Kinilala ni Police Col. Melvin Laguros, hepe ng Maritime Police, ang mga nadakip na sina Joven Tanazao, driver ng van; Jerome S. Solaiman, at Darrell Wee, pawang pahinante ng truck.

Ayon kay Laguros, nakatanggap ang mga awtoridad ng impormasyon na isang van na may kargang mga smuggled na sigarilyo ang papunta para ilipat ang mga kargamento sa isang shipping container na pag-aari ng isang local forwarder.

Agad na naglatag ng operasyon ang maritime police at nakipag-koordinasyon sa Bureau of Customs at local police na nagresulta sa pagsamsam ng 50 master cases ng smuggled cigarettes na nagkakahalaga ng P2.8 milyon na nakalagay sa puting sako.

Hiningan ng mga awtoridad ang mga suspek ng kaukulang dokumento sa kanilang kargamento subalit bigo silang maipakita.

Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 10643 o An Act to Effectively Instill Health Consciousness through Graphic Health Warnings on Tobacco Products and RA 10863 o ang Custom Modernization and Tariff Act ang mga naarestong suspek. Mary Anne Sapico