Home NATIONWIDE P2-B rehab fund sa mga klasrum na winasak ng bagyo, ipinababalik sa...

P2-B rehab fund sa mga klasrum na winasak ng bagyo, ipinababalik sa DepEd

MANILA, Philippines – Nanawagan si Senador Alan Peter Cayetano sa Senado na ibalik ang pondo sa programang Basic Education Facilities sa Department of Education (DepEd) sa gitna ng sunod-sunod na bagyong nanalasa sa iba’t-ibang bahagi ng bansa na sumira sa maraming paaralan.

Sa pahayag, sinabi ni Cayetano na mahalagang maibalik ang tinanggal na pondo upang maisaayos at makumpuni ang mga paaralan na winasak ng bagyo upang magkaroon nang ligtas na pasilidad ang milyong estudyanteng Filipino.

“According to UNESCO, physical infrastructure is essential because it significantly impacts children’s enrollment, attendance, completion rates, and even learning achievements,” wika ni ni Cayetano sa kanyang written manifestation na binasa para sa kanya ni Senador Pia Cayetano, Vice Chair ng Senate Committee on Finance, sa deliberasyon ng 2025 budget ng DepEd.

Sinabi ni Cayetano na binawasan ang pondo sa rehabilitasyon at pagkukumpuni ng paaralan ng DepEd kaya nalilimitahan ang kakayahan ng gobyerno na tugunan ang siksikan na silid-aralan at kumpunihin ang sirang pasilidad.

Ipinaiwanag ng senador na kapag kulang ang pondo, mahihirapan ang gobyerno na makapagtayo nang ligtas at epektibong lugar sa pag-aaral ng estudyante.

Binanggit din ni Cayetano na pinalala ang mga problemang ito ng pinsalang sanhi ng bagyo at pagbabago ng klima, kaya’t kinakailangan ang pagtutok sa rehabilitasyon at pagsasaayos ng mga pasilidad sa edukasyon.

Ipinunto rin ng senador na lumulobo ang pondo sa bagong pagtatayo ng bagong paaralan ngunit nabawasan naman ang pondo sa pag-aayos nang mga nasira.

“Despite the urgent need for repairs and rehabilitation, the proposed budget of P6.132 billion for school building repairs under NEP 2025 was slashed by P2 billion to P4.132 billion in the General Appropriations Bill,” ani Cayetano.

Ipinunto ng mambabatas na kapag pinayagan na magsagawaa ng doble o triple-shift na schedules sa pagtuturo, lubhang nakakaapekto ito sa kalidad ng edukasyon dahil nabawasan ang panahon sa paglilinang ng kaalaman ng estudyante.

“Research shows that this is merely a patch-up or temporary solution that does not fully address the problem of classroom congestion,” ayon kay Cayetano.

Sa kanyang panawagan, hinimok ni Senador Cayetano ang “maximum utilization and efficiency” sa pagsasaayos at pagpapabuti ng imprastruktura ng mga paaralan.

Binanggit din ng senador na ang pamumuhunan sa pag-aayos at renobasyon ng mga paaralan ay hindi lamang usapin ng budget kundi usapin din ng kaligtasan at patas na oportunidad sa edukasyon.

Nagpahayag naman ng suporta si Senator Pia Cayetano, kapatid na mambabatas at nangakong sisikapin nitong maibalik ang P1 bilyon sa pondo.

“If our colleagues will join me, then let’s try to restore the entire P2 billion,” ayon kay Senador Pia. Ernie Reyes