MANILA, Philippines – PARA kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., tinutupad na nito ang kanyang pangako na ibaba ang presyo ng bigas sa P20 kada kilo.
Ito’y matapos na ianunsyo ni Department of Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na mabibili na ang bigas sa halagang P20 kada kilo sa Visayas.
“Twenty pesos kada kilo na bigas. Iyan ang pangako—at ngayon, sinisimulan na natin itong maisakatuparan sa Visayas region,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa kanyang Facebook post.
Ang pilot launch ng pagbebenta ng P20 kada kilo ng bigas sa Visayas ay resulta ng closed-door meeting nito kasama si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ang 12 Visayas governors sa Cebu Provincial Capitol.
Sinabi ni Tiu Laurel na nais ni Pangulong Marcos na ang programang ito na ipatutupad sa iba’t ibang bahagi ng bansa ay magiging pangmatagalan.
“The President has actually given the directive, initially itong programa ng DA was supposed to last until December, pwede pa stretch ‘yan until February. But our President has given the directive to the Department of Agriculture to formulate this to be sustainable and ituloy-tuloy hanggang 2028,” ang sinabi ni Tiu Laurel sa press conference.
Ang Kalihim ay kasama ngayon ni Pangulong Marcos sa Cebu City, kung saan dumalo ang Chief Executive sa isang closed-door meeting kasama ang 12 Visayas governors, sa Cebu Provincial Capitol.
“So ito may dalawang template, isang 5 kilos per week per family and another one is 10 kilos per week. So kanina sa ngayon parang napagkasunduan in essence is 10 kilos per week, so 40 kilos per month,” ayon kay Tiu Laurel.
Pinag-usapan sa pulong ang inisyal na implementasyon ng kaniyang pangako noong 2022 elections na maibaba sa bente pesos ang presyo ng bigas.
“The rice will also be sold for PHP20 per kilo nationwide once challenges in logistics are addressed,” aniya pa rin.
Sinasabing matagal nang umaasa si Pangulong Marcos na matutupad nito ang kanyang campaign promise na bawasan ang presyo ng bigas ng hanggang P20 kada kilo.
Sa ngayon, ang National Food Authority (NFA) ay mayroong 358,000 metric tons (MT) ng rice stocks, na magtatagal ng mahigit sa 9 na araw, higit sa kalahati ng target nitong national rice buffer stock na 15 araw. Kris Jose