Home OPINION UPCAT AT DEPED

UPCAT AT DEPED

SA ikalawang sunod na taon, dinaig ng mga estudyante mula sa public schools ang mga gaya nila sa mga pribadong eskwelahan sa pagkwalipika para makapag-aral sa University of the Philippines. Yup, maniwala kayo: 55% ng mga pumasa sa UPCAT noong nakaraang taon para sa Academic Year 2025–2026 ay nagmula sa mga pampublikong paaralan.

Ito ay katumbas ng 9,898 estudyante mula sa kabuuang 17,996 na nag-qualify — malaking lamang laban sa mga pumasa mula sa mga pribadong eskwelahan na bumubuo sa natitirang 45%. Hindi ito nagkataon lang. Isa itong pagpapatuloy.

Noong 2024, namayagpag din ang mga public school sa pagtatala ng 56.3% matatagumpay na examinees. Ikumpara natin tatlong taon lang ang nakalipas, nang baligtad pa noon ang naitatalang bilang: nasa 43.6% lang ng mga pumasa noong 2022 ang nagmula sa mga pampublikong paaralan, habang 56.4% ang produkto ng mga pribadong institusyon.

Ano kaya ang nagbago?

Naniniwala ang iba na dahil ito sa pagbabalik ng UPCAT o ang University of the Philippines College Admissions Test pagkatapos ng pandemya — nang sa pagbabalik ng napakahirap na entrance exam ay bumalik din ang bentahe sa mga kumukuha ng pagsusulit na, bagamat nagmula sila sa mahihirap na paaralan, mayroon silang pagpupursige, pangarap, at marahil isang mahalagang bagay: mas mahuhusay na guro.

Dahil may katotohanang nakakubli sa napakaraming pagbati at papuri: sa panahon ng pandemya, kung kailan daan-daang pribadong paaralan ang nagsara at wala nang makabayad ng matrikula, maraming mahuhusay na guro mula sa mga institusyong ito ang lumipat sa public schools, naghangad ng seguridad at matatag na trabaho. At hindi na sila umalis. Nagpapasweldo sa oras ang gobyerno — kahit noong may lockdown.

Oo, totoong problema pa rin ng mga pampublikong eskwelahan hanggang ngayon ang mga lumang pasilidad, kawalan ng internet, at hindi nagmamaliw na textbook at procurement scams. Pero kung may napatunayan man ang mga porsiyentong nabanggit natin, ito ay ang katotohanan na ang paglipat ng mga beterano at mahuhusay na private school educators sa public system ay nakatulong nang malaki sa pagpapahusay din sa kanilang mga estudyante.

Sa aking palagay, wala namang malaking repormang naipatupad sa termino ni dating Pangulong Duterte, wala ring magic pill nang si Vice President Sara na ang mamuno sa Department of Education — kundi pinag-ibayong pagtuturo, mas mabuting preparasyon, at paalala na mas importanteng konsiderasyon ang nagtuturo kaysa kung ano ang itinuturo.

Bagamat itinuring ng UP ang pagbabagong ito bilang hudyat ng bumubuting access, nalantad din ang isang mas kumplikadong katotohanan na kailangan pa ring matugunan. Sa puntong ito, umaasa akong ang mas mahusay na Secretary of Education — si Sonny Angara — ay nakikinig.

Yes, sir, libre nga ang pampublikong edukasyon — salamat po! Ngunit kadalasang walang libro, kulang sa pasilidad, at apektado ng textbook scams at procurement rackets na nabunyag noong panahon ni Duterte.

Taglay na ngayon ng ating mga pampublikong eskwelahan ang pagbabagong matagal na nitong kinakailangan: mas mahuhusay na guro. Ang momentum ay nasa panig ng DepEd sa ngayon. Ang kailangan na lang ay mamuhunan sa bagong tuklas na bentaheng ito, pagkalooban sila ng aktuwal at nararamdamang suporta — maayos na silid-aralan, updated na learning materials, epektibong digital tools, at sapat na gurong magtuturo.

Naniniwala akong may reform agenda si Angara, may naibalik na P10-billion digitization fund, at planong mamahagi ng 800,000 gadgets. Abangan nating maisakatuparan ang lahat ng ito!

* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).