Home NATIONWIDE P20/kg rice ibebenta sa Mindanao sa July 2025

P20/kg rice ibebenta sa Mindanao sa July 2025

MANILA, Philippines- Magsisimula ang ikalawang phase ng P20 kada kilo ng bigas ng pamahalaan sa July 2025 sa Mindanao region, ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. nitong Lunes.

”Phase Two, ang target namin will be by July and as mentioned before, ang rating namin is based on poverty incidence ‘no. So, number one sa Phase Two natin in July will be Zamboanga del Norte which has a 37.7% of poverty incidence – iyan ang isa sa mga pinakamataas; pangalawa, Basilan; Cotabato City; Tawi-Tawi; Maguindanao del Sur; Maguindanao; Davao Oriental; Sorsogon; Maguindanao del Norte – iyan ho ang Phase Two,” pahayag ni Tiu Laurel.

Kasado naman ang ikatlong phase sa Setyembre sa mga lalawigan ng Sultan Kudarat, Lanao del Norte, Catanduanes, Agusan del Sur, Sarangani, at Dinagat Island, base sa Agriculture chief.

Inisyal na ipinatupad ng Department of Agriculture (DA) ang pagbebenta ng bigas P20 kada kilo sa Visayas region. Batay sa DA, nais ni Pangulong Ferdinand ”Bongbong” Marcos Jr. na ipatupad ito sa buong bansa.

Tiniyak ni Tiu Laurel na nakaaabot ang P20-per-kilo rice sa high quality standards.

Kamakailan ay nakipagpulong siya sa regional managers at key officials ng National Food Authority upang tiyakin ang layuning ito, iginiit na ang subsidized rice program ay oportunidad upang alisin ang “stigma” na ang NFA rice ay “poor quality.” RNT/SA