MANILA, Philippines- Naisumite na ng House of Representatives sa Senado ang P200 daily minimum wage hike bill at nakahanda na para sa bicameral conference committee, ayon kay House spokesperson Atty. Princess Abante.
Ayon kay Abante, ang hakbang ng Kamara ay patunay na handa na ito para sa agarang pagpasa ng panukala sa Kongreso at sa paglagda ni Pangulong Bongbong Marcos.
“Na-transmit na Senado kahapon at meron na ring naipasa na mga pangalan para maging representante ng Kamara para sa bicameral conference. The House is prepared to stand by its version of the bill,” pahayag ni Abante.
Ang House Bill (HB) No. 11376 o Wage Hike for Minimum Wage Workers Act ay nagtatakda ng across‑the‑board increase na P200 kada araw para sa minimum wage earners sa private sector.
Sinabi ni Abante na nirerespeto ng Kamara ang anumang mapag-uusapan sa bicam sa final na version ng panukala.
Gayunpaman, ang kanilang hiling ay matalakay pa ito sa huling araw ng Kongreso bukas, June 11.
Una nang sinabi ni Sen Joel Villanueva na handa silang matalakay at maaprubahan ang wage increase kung ang Kamara ay papayag na i-adopt ang bersyon ng Senado.
Sa bersyon ng Senado ay P100 lamang ang magiging pagtaas kumpara sa P200 na inaprubahan ng Kamara. Gail Mendoza