MANILA, Philippines- Pinawalang-sala ng Manila Regional Trial Court Branch 184 ang drag performer na si Amadeus Feranndo Pagente o mas kilala bilang Pura Luka Vega sa kanyang kontrobersyal na “Ama Namin” performance.
Sa desisyon ni Presiding Judge Czarina Samonte-Villanueva na inilabas ngayong Hunyo 10, 2025, nabigo ang prosekusyon na magpakita ng batas, public order, moral at good customs na nilabag ni Pagente sa pamamagitan ng pag-impersonate kay Hesus Kristo at sumayaw sa himig ng Ama Namin.
Inakusahan si Luka Vega noong 2023 ng paglabag ng Article 201 ng Revised Penal Code na may kaugnayan sa Republic Act No.10175 o ang Cybercrime Prevention Act.
Sa panahon ng paglilitis, iniharap ng prosekusyon ang private complainants na miyembro at opisyal ng Hijos del Nazareno na nakapanood ng pagtatanghal ni Pagente.
Para sa depensa, kabilang sa mga testigo na ipinakita ay ang propesor ng sining ng Unibersidad ng Pilipinas na si Lisa Ito-Tapang na nagpatotoo na ang sining, ayon sa teorya ay walang limitasyon.
Binanggit din ni Ito-Tapang na ang prosekusyon ni Pagente ay nagdala ng ‘chilling effect’ sa art community.
Napatunayan din sa kanyang depensa at inulit na ang kanyang pagganap ay nilayon upang ipakita kung paano makikipag-ugnayan si Hesus sa komunidad ng LGBTQIA+.
Sa desisyon nito, sinabi ng korte na hindi nito nakikita ang pagtatanghal bilang nagpapahiwatig ng sekswal, tanging head banging at labis na paggalaw ang nakaakit sa mga manonood.
“The prosecution utterly failed to discharge the burden of proof beyond reasonable doubt thaht the act complied of constitute an indecent or immoral play, scene, act or show which are proscribed by th penal code,” sabi ni Samonte-Villanueva.
Gayunman, pinaalalahanan ng korte si Pagente na maging maingat sa kanyang pagganap.
Ipinag-utos din ng korte na i-release ng korte ang P72,000 bond na inilagak ni Pagente para sa kanyang provisionary liberty. Jocelyn Tabangcura-Domenden