MANILA, Philippines- Inihayag ng National Irrigation Administration (NIA) nitong Sabado na kakailanganin nito ang halos P200 bilyong budget kada taon para sa irrigation projects nito upang matiyak ang food security sa bansa.
“My estimate for us to be food secure… we need P200 billion [budget] yearly for the next 10 years,” pahayag ni NIA Administrator Eddie Guillen sa Saturday News Forum sa Quezon City.
Ani Guillen, popondohan ng P200 bilyong budget ang short to long term projects ng ahensya tulad ng konstruksyon ng high dams, restoration projects, solar pump irrigation initiatives, at water impounding projects.
Sinabi ng NIA chief na ipinanukalana ng ahensya ang P200 bilyon sa Department of Budget and Management (DBM) para sa budget sa susunod na taon.
Subalit, inilahad ni Guillen na ang inaprubahan lamang ng DBM ay P42 bilyon dahil sa limitadong fiscal space.
Gayunman, kumpiyansa siya na tutulungan ng Kamara at Senado ang ahensya na makakuha ng mas malaking alokasyon kapag nag-umpisa na ang budget deliberations para sa P6.352 trilyong proposed national expenditure plan.
Target ng DBM na maisumite sa Kamara ang proposed budget sa susunod na taon isang linggo pagkatapos ng ikatlong state of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Hulyo 22.
Para sa 2024, nakatanggap ang NIA ng P70.22 bilyong alokasyon sa ilalim ng General Appropriations Act ngayong taon.
Samantala, sinabi ni Guillen na apat na high dams —na mas mataas sa 75 metro o mayroong reservoir storage capacity na lampas 60 million cubic meters— ang kasalukuyang ibini-bid.
Narito ang apat na high dams projects ng NAIA:
P8.6 bilyong Tumauini River Multipurpose Project (TRMP) sa Isabela
P19 bilyong Panay River Basin Integrated Development Project (PRBIDP) sa Iloilo na binubuo ng dalawang Panay High Dam, ang Panay Afterbay Dam; isang high line canal; at isang floodway component
P22.7 bilyong Ilocos Norte-Ilocos Sur-Abra Irrigation Project II (INISAIP II) at
P9 bilyong Ilocos Sur Transbasin Project






