Home METRO P20M ilegal na droga nasamsam sa Davao City

P20M ilegal na droga nasamsam sa Davao City

MANILA, Philippines- Nakumpiska sa operasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) ang nasa P20 milyong halaga ng ilegal na droga sa Davao City nitong Linggo ng madaling araw.

Sinabi ng NBI na ang nasabing mga droga ay nasamsam sa isang residential unit sa Emily Homes, Cabantian.

Ikinasa ang operasyon ng mga operatiba ng NBI Southeastern Mindanao Regional Office (NBI SEMRO XI) sa pamnunguna ni Regional Director Arcelito C. Albao sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region XI.

Gayunman, hindi binanggit ng NBI ang mga pangalan ng mga naaresto sa operasyon.

Nasamsam ang 1.575 kilo ng methamphetamine hydrochloride o shabu na nagkakahalaga ng P17.325 milyon; 4.885 kilo ng kush na nagkakahalaga ng P5.86 milyon; isang hanay ng mga produktong nakabatay sa cannabis; Malaking Punong Bayabas live resin; Sluggers HIT disposables; mga heat sealer at mga tool sa repackaging; at delivery boxes mula sa Foodpanda at Maxim na ginamit upang itago ang distribusyon ng droga.

Ayon sa NBI, inilunsad ang operasyon matapos makatanggap ng report na ang isang residential unit ay ginagamit bilang isang hinihinalang repacking at distribution hub para sa illegal na droga. Jocelyn Tabangcura-Domenden