CEBU, Philippines – Sinira sa isang bodega sa Mandaue City noong Agosto 13 ang mga nakumpiskang iligal na sigarilyo, makina sa paggawa ng sigarilyo, at iba pang kaugnay na kagamitan na may kaugnayan sa humigit-kumulang P240.64 milyong hindi nabayarang buwis.
Pinangunahan ni Finance Secretary Frederick D. Go ang pagsira sa mga ito sa pamamagitan ng shredding.
Nakumpiska ang mga iligal na produkto sa iba’t ibang operasyon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) Revenue Region No. 13 mula Oktubre 2024 hanggang Hunyo 2025 laban sa ilegal na paggawa, pag-iimbak, at pamamahagi ng sigarilyo sa Cebu.
Kabilang sa mga nasamsam ang pekeng Internal Revenue stamps, mga makina, hilaw na materyales, packaging materials, kemikal, at iba pang kagamitan sa produksyon.
Ayon sa BIR, umabot sa P240,641,547.71 ang kabuuang pananagutang buwis at mga kaukulang parusa na kaugnay ng mga nakumpiskang iligal na sigarilyo.
Sinabi ni Go na pinaigting ng pamahalaan ang kampanya laban sa ilegal na kalakalan ng tabako dahil sa malaking nawawalang kita ng gobyerno mula sa maling deklarasyon o hindi pagdedeklara ng mga produktong may excise tax, kabilang ang tabako, alak, at fuel.
Binigyang-diin din niya ang patuloy na koordinasyon ng BIR at Bureau of Customs (BOC) sa pagtugis sa mga gumagawa at namamahagi ng iligal na produktong tabako.
Mula Hunyo hanggang Hulyo ngayong taon, umabot sa P1.7 bilyon ang halaga ng mga iligal na produktong tabako na nakumpiska ng dalawang ahensya.
“We will continue to strengthen enforcement and hold those who engage in illegal activities accountable,” ani Go. RNT/MDS