Home NATIONWIDE P257M ayuda naipamahagi ng DOLE sa oil spill victims sa OrMin

P257M ayuda naipamahagi ng DOLE sa oil spill victims sa OrMin

MANILA, Philippines – Umabot na sa P257 milyon livelihood assistance ang naipamahagi ngDepartment of Labor and Employment (DOLE) sa mga manggagawang nawalan ng trabaho dahil sa oil spill na tumama sa Oriental Mindoro noong nakaraang taon.

Sa isang pahayag, sinabi ng DOLE na nagpaabot ito ng emergency employment assistance sa humigit-kumulang 62,000 manggagawa sa Calabarzon, Mimaropa, at Western Visayas.

“Mula Marso hanggang Disyembre 2023, ang DOLE ay nagbigay ng pansamantalang trabaho sa 61,929 manggagawa, karamihan ay mga mangingisda, sa pamamagitan ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers o TUPAD program,” sabi nito.

Mahigit P3 milyong halaga ng livelihood aid ang inialok din sa 210 manggagawa sa tatlong rehiyon sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood Program.

Sa Mimaropa, 57,067 manggagawa ang nakakuha ng suweldo na nagkakahalaga ng P220.5 milyon sa ilalim ng TUPAD program.

Sa bayan ng Pola, 110 manggagawa ang nakatanggap ng livelihood assistance na nagkakahalaga ng P1 milyon.

Hindi bababa sa 2,063 manggagawa sa Antique ang nabigyan ng pansamantalang trabaho at nakatanggap ng suweldong P17.8 milyon.

Umabot sa 100 manggagawa sa Barangay Semirara, Sibolo, Tinogboc, at Sibato sa Caluya ang nakatanggap ng livelihood aid na nagkakahalaga ng P2.020 milyon, habang 2,034 na manggagawa sa Isla Verde at Tingloy sa Batangas ang tumanggap ng suweldo na aabot sa P10.2 milyon.

Sa pakikipagtulungan ng Technical Education and Skills Development Authority, ang DOLE ay naghatid ng skills training sa 765 displaced workers sa Oriental Mindoro.

Ang halagang P5.6 milyon ay itinalaga upang pondohan ang mga stipend ng mga indibidwal na lumahok sa mga programa sa pagsasanay para sa pagkumpuni ng maliliit na makina, organic farming, pagkakarpintero, pagmamason, pagmamaneho ng sasakyang de-motor, at iba pang kaugnay na kasanayan. RNT