Home OPINION TIKTOK AT TAG-ULAN

TIKTOK AT TAG-ULAN

TINGNAN mo nga naman ang buhay.

Itong si Donald Trump na ex-President ng Amerika, ginusto nitong ipasara ang Tiktok noong nakaupo siya dahil kompanya umano ito ng China na ginagamit sa paniniktik at nakasisira sa Amerika.

Mortal na kaaway umano ng kanyang Amerika ang China.

Anak ng tokwa, makaraang ideklara siya ng jury sa New York na guilty sa panunuhol sa biktima niya sa kanyang sex scandal kay Stormy Daniels, bigla siyang pumasok sa Tiktok para ibangon ang sarili sa kahihiyan.

Ginagamit na rin ni Trump ang Tiktok para sa kanyang kampanya sa pagbabalik niya bilang kandidatong presidente na kalaban ni Pres. Joe Biden.

Si Trump ang nagpasimula ng pagpapasara ng Tiktok at buong pagmamalaki nito noon na lahat ng bagay ay mayroon ang Amerika at hindi nito kailangan ang Tiktok para sa kanilang sistema ng komunikasyon o pagpapasaya ng tao.

Sa pagpapasara ng Tiktok sa US, makatutulong umano ito para manghina rin ang ekonomiya ng China na gusto ni Trump upang ang kanyang Amerika ang mananatiling superpower hindi lang sa militar kundi sa ekonomiya, teknolohiya at iba pa.

Makaraang pumasok siya sa Tiktok, umarangkada naman ang milyon-milyon niyang tagasuporta at kasabay na niya ang mga ito sa pagpapabango sa sarili at pangangampanya para sa pagka-Presidente.

Ipinagpapatuloy na lang ni Pres. Joe Biden ang mga hakbang upang ipasara ang nasabing Chinese social media.

Lumalabas, nagpapakanlong ngayon si Trump sa pwersang komunikasyon ng China.

Nilamon ni Trump ang kanyang isinuka.

ALA-TRUMP SA PINAS

Ngayon naman, may ilang politikong Pinoy na gustong ipasara rin ang Tiktok sa Pilipinas.

Pareho ang rason ng mga ito sa rason ni Trump na panganib sa seguridad ng bansa ang Tiktok.

Ginagamit umano ng China ang socmed na ‘to sa paniniktik.

Pero hindi kaya gaya-gaya rin lang ang ginagawa ng mga ito sa ginagawa ni Trump na pambubugbog sa Tiktok?

Maaaring tama sila na gamit-paniktik ng China ang Tiktok, pero maaari ring hindi.

Pero maaari rin nilang gamitin ito sa kampanyang pampulitika.

Pero sa palagay ba ninyo, hindi rin ba gamit ng mga Kano sa paniniktik sa Pinas ang kanilang mga socmed na nakatayo sa Pinas?

At bakit Tiktok lang ang kontrabida na nakikita nila?

Ang naiintindihan lang ng marami sa Tiktok, gusto lang nilang ipakita ang kanilang mga sariling galing.

At kung maraming views, nakatatanggap sila ng pabuya.

TAG-ULAN, TAG-BAGYO, TAG-BAHA, TAG-TSUNAMI

Opisyal nang idineklara ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration na tag-ulan na.

Kasunod nito ang anunsyo na tiyak na magkakaroon ng isa o dalawang bagyo sa buwang ito.

Nangangahulugang tag-bagyo, tag-baha, tag-landslide at tag-tsunami na rin.

Lahat ng ito ay mga panganib sa maraming buhay at ari-arian.

Nasaan na ba ang ating mga paghahanda laban sa mga panganib na ito na lumilikha ng mga kalamidad na ikinasasawi ng tao at ikinasisira ng mga ari-arian?

Kapag listo at nagtutulungan ang lahat ng mamamayan at pamahalaan, malaking kabawasan sa kalamidad ang nagaganap.

Sana laging mangyari ito.