Home OPINION HANDA KA NA BA SA PAG-ULAN NG MISSILE AT BOMBA?

HANDA KA NA BA SA PAG-ULAN NG MISSILE AT BOMBA?

PANAY ang girian ng ilang lider ng Pinas at China kaugnay ng kontrobersya sa West Philippine Sea.

Sabi mismo ni Pangulong Bongbong Marcos, act of war ang kahulugan ng kahit isang kamatayan ng isang Pinoy sa WSP sa kamay ng China.

At kakasa agad ang Pilipinas para sa giyera?

Sa pagsubaybay natin sa giyerang Hamas versus Israel at Ukraine versus Russia, umuulan ang mga missile, bomba, rocket, drone at ang mas mahina ang nadudurog kahit saan, lalo na sa Gaza at Ukraine.

Ang lugar ng Hamas, durog na durog na sa mga missile, bomba, drone, bala ng tangke at pampasabog kaya lahat ng mahigit 2 milyong mamamayan nito ay wala nang matulugan, nagugutom, nagkakasakit at namamatayan na ng halos 37,000 Palestino.

Ang Ukraine, lalo na ang mga malalapit sa hangganan nito sa Russia, halos wala nang nakatayong tahanan dahil durog na rin at maging ang Kyiv na kapital nito, nawawasakan din mula sa pag-ulan ng mga missile, bomba, drone, bala ng tangke at pampasabog.

Tinatayang nasa 120,000 ang patay na Ruso at nasa 73,899 (27,449 sibilyan, 46,450 sundalo) ang patay na Ukrainian at milyones din ang nagugutom at nagkakasakit.

Ngayon, kung may giyera sa pagitan ng China at Pinas, hindi lang ang mga lugar na kinatatayuan ng EDCA ang mabobomba kundi mismong mga kampo militar at pulisya gaya ng Fort Bonifacio, Camp Crame, lahat ng planta ng kuryente at komunikasyon, kasama ang mga dam at iba pa.

Kapag nangyari ito, lahat ba’y handang mamamatay o mamatayan?

Ang tiyak, kapag nagputukan ang mga missile, bomba, drone at iba pa sa loob ng Pinas, wala na rito ang mga matatapang sa salita kundi nasa Amerika na.

Ang mga Kano na tagatulak sa giyera, malayo, hindi makakanti at magbebenta lang ng armas sa atin at sa kapit-bansa natin at kikita pa.

Walang Kano na lalahok sa giyera — Israel at Ukraine style.