MANILA, Philippines – Aabot sa mahigit P25 milyon halaga ng iligal na sigarilyo ang nasamsam ng Police Regional Office (PRO)-6 at Bureau of Internal Revenue (BIR) sa magkahiwalay na operasyon sa Estancia, Iloilo nitong Huwebes.
Sa ulat ng PRO-6, naaresto ang 42-anyos na suspek na nakilala lamang sa alyas na “Jelyn”, isang self-employed at residente ng naturang bayan, dahil sa umano’y ilegal na pag-iingat o pag-aalis ng mga produktong may excise tax nang hindi nagbabayad ng kaukulang buwis.
Nasamsam sa operasyon ang kabuuang 30,098 pakete ng iba’t ibang uri ng iligal na sigarilyo, kabilang ang 1,448 pakete sa Barangay Zone I, Poblacion at 28,650 pakete sa Barangay Lumbia.
Tinatayang nasa P25.07 milyon ang kabuuang halaga ng mga nakumpiskang sigarilyo, kasama na ang kaukulang tax penalties.
Isinagawa ang operasyon sa bisa ng search warrant na inilabas ng Executive Judge ng Branch 71 ng 6th Judicial Region at mga revenue at mission order ng BIR Revenue Region 11.
Ayon kay PRO-6 Acting Director Brig. Gen. Randulf Tuaño, magpapatuloy ang koordinasyon ng pulisya sa iba pang ahensya upang sugpuin ang ilegal na kalakalan sa pamamagitan ng intelligence-driven operations.
“This accomplishment reflects the strength of intelligence-driven and coordinated law enforcement action against illegal trade. Illicit cigarettes deprive the government of lawful revenues, undermine legitimate businesses, and expose the public to unregulated products,” ani Tuaño.
Hinimok din niya ang publiko na iulat sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang aktibidad na may kaugnayan sa paggawa, pagbiyahe, pag-iimbak o pagbebenta ng mga ipinagbabawal na produkto. RNT/JGC