MANILA, Philippines – Muling pinagtibay ng Philippine Coast Guard o PCG, sa pamumuno ni Commandant Admiral Ronnie Gil L. Gavan PCG, ang matibay nitong pakikipagtulungan sa United States Coast Guard o USCG, sa opisyal na pagbisita ni USCG Pacific Area Commander, Vice Admiral Joseph R. Buzzella sa PCG National Headquarters sa Port Area, Manila noong June 25, 2026.
Binigyang-diin sa pagpupulong ang patuloy na pag-unlad ng kooperasyon ng Coast Guard ng Pilipinas at Estados Unidos sa ilalim ng Mutual Defense Board–Security Engagement Board o MDB–SEB.
Tinalakay ng dalawang panig ang mga prayoridad na lugar, kabilang ang maritime domain awareness, search and rescue, proteksyon sa kapaligirang pandagat, at operational interoperability sa pamamagitan ng Philippine–United States Aeronautical and Maritime Search and Rescue Agreement o AMSAR.
Muli ring pinagtibay ng dalawang Coast Guard ang kanilang commitment sa mga pangunahing bilateral engagement, kabilang ang Balikatan, Southeast Asia Cooperation and Training o SEACAT, Southeast Asia Maritime Law Enforcement Initiative o SEAMLEI, at Rim of the Pacific o RIMPAC Exercise 2026.
Kinilala rin ng PCG ang tuloy-tuloy na technical assistance ng USCG sa mga malalaking insidente sa kapaligirang pandagat.
Kasunod ng oil spill ng MT Princess Empress noong 2023, nagbigay ng technical expertise, suporta sa incident management, at gabay sa containment at cleanup operations ang mga espesyalista ng USCG National Strike Force.
Noong 2024, sa oil spill ng MT Terranova sa Manila Bay, nagsagawa ng specialized training ang pinagsamang team ng USCG at NOAA tungkol sa Shoreline Cleanup Assessment Technique o SCAT, GNOME spill modeling, Environmental Response Management Application o ERMA, at shoreline assessment, na lubos na nagpalakas sa kakayahan ng PCG sa pagtugon sa marine environmental incidents.
Patuloy din ang suporta ng USCG sa PCG sa pamamagitan ng technical assistance at capacity-building initiatives, kabilang ang mga programa sa Mindanao.
Pinagtibay sa pagpupulong ang shared commitment ng dalawang Coast Guard na palakasin ang interoperability, pahusayin ang maritime safety at proteksyon sa kapaligiran, at itaguyod ang isang ligtas, matatag, at rules-based maritime domain sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na Coast Guard-to-Coast Guard cooperation. Jocelyn Tabangcura-Domenden