MANILA, Philippines — Humihingi ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng humigit-kumulang P260 bilyon hanggang P270 bilyong budget para sa 2027, kung saan pinakamalaking bahagi ang ilalaan sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS).
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, nasa P100 bilyon ang nakalaan para sa 4Ps, na tumutulong sa mahihirap na pamilya sa pamamagitan ng edukasyon, healthcare, at nutrisyon.
“Nakita ko yung preliminary draft at masaya naman kami dahil ‘yun yung hiningi namin. Sa PHP270 billion or PHP260 billion ng DSWD, PHP100 billion ‘yan agad napupunta sa 4Ps. Tama naman kasi ‘yan ang investment natin to human capital para maiahon natin ang ating mga kababayan mula sa kahirapan. 1.6 million na pamilya na ang nag-graduate sa 4Ps. That’s how many families we’ve pulled out of poverty,” sinabi ni Gatchalian sa isang panayam sa radyo.
Nasa P30 bilyon hanggang P60 bilyon naman ang panukalang ilaan sa AICS, na nagbibigay ng agarang tulong pinansyal sa mga indibidwal at pamilyang dumaranas ng krisis.
“Yung AICS program na ‘yan, hindi lang ‘yan para sa mahihirap. Everyday, marami kaming nakakasalamuha na lumalapit sa opisina na galing sa middle class at sa upper class. Kasi ang social welfare ay para sa lahat naman. Maaari kasi ngayon may kailangan ka pero dahil sa isang sakit, kailangan mo ng tulong ng pamahalaan mo, nandoon ang DSWD,” pahayag niya.
Ang natitirang pondo ay gagamitin para sa Walang Gutom Program, Pag-abot Program, Project Aruga, at mga child protection initiative.
Sinabi rin ni Gatchalian na palalawakin ng ahensya ang Parent Effectiveness Sessions sa ilalim ng Protective Services at Family Development Sessions sa ilalim ng 4Ps upang matulungan ang mga magulang na tugunan ang mga panganib na kinakaharap ng kabataan sa digital age.
“Sa pag-ikot ng mundo, sa teknolohiya, yung mga kabataan natin, na-discuss ng Presidente kahapon, na-expose sa kung ano-anong mga bagay – over-sexualized online, over-violent online. So, talagang ngayon, roll-out na ng DSWD yung Parent Effectiveness Sessions natin. Nakabatas ‘yan kung saan tinuturuan natin ang mga magulang kung ano ba talaga dapat ang kanilang mga gampanin sa tahanan, kasi after all, the first teachers are the parents,” dagdag niya.
Magtatayo rin ang DSWD ng limang karagdagang regional residential facilities para sa rehabilitasyon ng children in conflict with the law.
Nakabatay ang panukalang budget sa mga prayoridad sa social protection na binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikalimang State of the Nation Address. Santi Celario